
Ni NOEL ABUEL
Ipatatawag at pagpapaliwanagin ng isang senador ang social media platform na Facebook hinggil sa pagtanggal sa ilang post ng ilang opisyal at tanggapan ng pamahalaan sa nasabing media platform.
Ayon kay Senador Ramon “Bong” Revilla Jr., chairman ng Senate Committee on Public Information and Mass Media, kailangang magpaliwanag ng Facebook sa nangyaring pagtanggal sa mga lehitimong posts ng National Security Adviser, ng Philippine News Agency, at ni Commission on Higher Education (CHED) Chairman Popoy De Vera.
“Ano ang kanilang basehan upang pigilan at kwestyunin ang lehitimong mensahe at gawain ng pamahalaan, kabilang na ng ating National Security Adviser at ng Philippine News Agency? Maging ang post ni Commission on Higher Education (CHED) Chairman Popoy De Vera ukol sa libreng edukasyon sa bansa ay hindi nakaligtas sa censorship ng FB,” sabi ni Revilla.
Sinabi pa ng senador na marami na rin itong natatanggap na reklamo sa tahasang pagsuspende sa mga account ng mga subscribers ng FB sa hindi malamang kadahilanan at tila pagsupil sa malayang pamamahayag.
“Kinikilala natin ang mga naging hakbang ng Facebook at Meta laban sa disinformation, bullying, paghahasik ng hidwaan at terorismo sa pamamagitan ng paglalatag ng mga mekanismo at community standards. Ngunit sa pagkakataong ito, sa aking pananaw tila nagmalabis ang social media platform at naging balakid sa pagganap ng tungkulin ng matataas na opisyal ng ating pamahalaan,” giit pa ni Revilla.
“Many are pointing their fingers to FB being involved in partisan politics, but I would like to give them the benefit of the doubt. Parang lumalabas lang kasi na naiimpluwensyahan ng pulitika ang aksyon ng Facebook at Meta. It is alarming that the country’s affairs are being controlled and at the mercy of a private foreign corporation. We cannot allow this. I will seek the platform’s explanation on this,” pahayag pa ng senador.
