
Ni NOEL ABUEL
Dapat na paghandaan ng mga ahensya ng pamahalaan ang inaasahang pagsipa ng tourism industry ng bansa dahil sa inilabas na economic impact report World Travel and Tourism Council (WTTC)
Ito ang sinabi ni Senador Joel Villanueva kung saan dapat na maging handa ang tourism workforce sa inaasahang muling pagsigla ng sektor ng turismo sa bansa.
Hinimok ni Villanueva ang Department of Tourism (DOT) na gumawa ng roadmap kasama ng Department of Labor and Employment (DOLE) at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) para sa training, upskilling, at reskilling para sa tourism jobs sa bansa.
Iminungkahi rin ng senador na gawing bahagi ang roadmap na ito sa susunod na National Tourism Development Plan ng DOT.
“Ito ang tamang panahon para galingan pa natin sa turismo, lalo na’t bukas na rin sa mga turista ang ating mga karatig-bansa. Ipaalala natin sa mundo na meron tayong top-class Filipino brand of hospitality dahil sa ating skilled tourism workforce,” sabi ni Villanueva.
Una nang sinabi ng WTTC na magkakaroon ang tourism industry ng Pilipinas ng 6.7 porsyentong growth rate sa loob ng sampung taon, na higit pa sa tinatayang 5.6 porsyentong average growth rate ng ekonomiya ng buong bansa.
Inaasahan din ng WTTC na lalago ang sektor sa susunod na sampung taon sa average na 3 porsyento, na gagawa ng 2.9 milyong bagong trabaho na bubuo sa 21.5 porsyento sa lahat ng trabaho sa bansa.
Sinabi ng author at sponsor ng Republic Act No. 11230, o Tulong Trabaho Act, na maaaring palakasin ng tourism sector ang mga hanay nito sa pamamagitan ng mga skills training program na mula sa TESDA.
“Maaring makibahagi ang tourism industry mula sa nakalaang Php 1.515 bilyon para sa Tulong Trabaho Fund sa taong ito para sa training ng ating mga manggagawa. Sa tulong nito, mapapanatili tayong globally competitive at matutugunan natin ang demands ng industriya,” sabi ni Villanueva.
Nanawagan din ang senador sa Department of Health (DOH) na isali ang mga tourism workers bilang priority sector para sa booster shots laban sa COVID-19 dahil ang mga ito ay maituturing ding “economic frontliners” ng bansa.
Apela pa ni Villanueva sa mga pambansa at lokal na health officials na ipatupad nang maayos ang mga pandemic protocol lalo na sa mga tourist spots, at sinabing “health workers have become a crucial part of the tourism industry”.
Sa datos ng DOT, umabot na sa 272,000 foreign arrivals sa bansa sa pagitan ng Pebrero 10 at April 17, habang nagbubukas pa ang Pilipinas para sa mga turista dahil sa pinababang pandemic alert levels.
Humingi rin ng tulong si Villanueva mula sa Small Business Corporation ng Department of Trade and Industry para sa mabilis na pagproseso ng mga loan applications ng mga micro-, small-, and medium-sized enterprises (MSMEs) sa travel and tourism sector mula sa Php 4 bilyong pondo na galing sa Bayanihan 2 Act.
Ayon sa Philippine Statistics Authority, na sa 2021, may 49,368 MSMEs sa accommodations and food service activities industry ang itinuturing na permanently closed, samantalang 13,756 naman ang temporarily closed.
