Escudero at Cayetano muling nanguna sa senatorial survey ng Publicus Asia

Ni NOEL ABUEL

Patuloy sa pamamayagpag sa senatorial survey si dating House Speaker Alan Peter Cayetano na umakyat na sa pangalawa sa pinakabagong survey na isinagawa ng Publicus Asia mula Abril 19 hanggang Abril 21.

Napanatili ni Cayetano ang mataas na ratings sa senatorial survey dahil sa  kanyang eco-friendly campaign kung saan nagdesisyon itong hindi gumamit ng anumang campaign poster sa pangangampanya para matulungan ang kalikasan.

Maliban pa dito ay pinangunahan din ni Cayetano ang pagkakaloob ng P10,000 ayuda sa bawat pamilyang Pilipino upang matulungan sa krisis na dulot ng coronavirus disease-19 (COVID-19) pandemic.

Naniniwala si Cayetano na mayroong sapat na pondo ang pamahalaan na pagkalooban ng 10K ayuda ang kada pamilyang Pilipino upang mabigyan ng magandang tulong ang mga ito.

Nakakuha si Cayetano ng 42.6 porsiyentong suporta sa 1,500 respondents habang nasa unahan si Sorsogon Gov. Francis “Chiz” Escudero sa kanyang 46.8 porsiyento at 40.5 porsiyento naman sa pumangatlo si reelectionist at Senador Sherwin “Win” Gatchalian na mayroong 40.5 porsiyento.

Samantala, ang iba pang senatoriable na nakasama sa senatorial survey sina Antique Rep. Loren Legarda (39.1 percent), broadcaster na si Raffy Tulfo (38.5 percent), dating Public Works and Highways Sec. Mark Villar (33.1 percent), Senador Ana Theresia “Risa” Hontiveros (31.9 percent) at ang actor na si Robin Padilla (31.5 percent).

Mula sa unang puwesto, napunta sa ikaapat si Legarda nang mabawasan ng 4.2 porsiyento.

Umangat naman si Padilla ng 5.8 porsiyento kumpara sa huling survey noong kaagahan ng Abril at lumampas na sa 30 porsiyentong marka.

Sumunod naman kay Padilla sina reelectionist at Senate Majority Leader Migz Zubiri, dating Quezon City Mayor Bistek Bautista, Atty. Jose Manuel “Chel” Diokno, reelectionist at Senador Joel Villanueva, dating Senador Joseph Victor “JV” Ejercito, Atty. Larry Gadon, dating Defense Sec. Gilbert “Gibo” Teodoro Jr., reelectionist at Seador. Richard “Dick” Gordon, dating Palace spokesman Harry Roque Jr., dating vice president Jejomar “Jojo” Binay, dating Senador Joseph “Jinggoy” Estrada, dating Philippine National Police chief Guillermo Lorenzo Eleazar, at dating  Information and Communications Technology Sec. Gregorio “Gringo” Honasan.

“The movements during this survey round appear to be making competition more fierce in the Competitive Zone with an average preference of 24.9 percent. There are now 13 candidates — from the 9th to 21st places — who appear to be within striking distance of the final four Senate seats,” ayon pa sa  Publicus Asia.

Leave a comment