German national arestado sa GenSan

Ang German national (na pinoposasan) nang arestuhin dahil sa pang-aabuso sa asawang Pinay. Sa kanang larawan naman makikita itong nakikinig sa isang tauhan ng BI kung bakit ito dinakip.

Ni NERIO AGUAS

Dinakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang German national at nahaharap sa deportasyon matapos mapatunayang lumabag sa Philippine immigration laws.

Sa ulat na tinanggap ni Immigration Commissioner Jaime Morente kay BI intelligence chief Fortunato Manahan Jr., kinilala ang inarestong dayuhan na si Jurgen Helmut Schumacher, German national, 69-anyos, at residente ng Brgy. San Isidro, General Santos City noong nakalipas na Abril 21.

Nabatid na isinagawa ang operasyon ng BI Intel Office sa tulong ng Philippine National Police Station 4 laban sa nasabing dayuhan sa bisa ng mission order dahil sa pagiging undesirable alien at overstaying pa.

“Our Mindanao Intelligence Task Group (MITG) headed by Melody Penelope Gonzales immediately conducted surveillance and investigation upon receiving the order.  The subject will undergo deportation proceedings on charges of violating our immigration laws and for being an undesirable alien,” sabi ni Manahan.

Sinasabing nag-ugat ang deportation order laban kay Schumacher  matapos na magreklamo ang asawa nitong Pinay ng domestic violence at concubinage.

Hinarang ng Pinay ang hiling ng nasabing dayuhan sa BI na aprubahan ang aplikasyon nitong permanent visa dahil sa dinanas na pagbabanta ay mentally and emotionally abused ng dayuhan.

Nabatid pa na kinasuhan na ang nasabing dayuhan sa korte dahil sa paglabag sa Violence Against Women.

Leave a comment