Karahasan sa Abra tutuldukan ng Lacson-Sotto tandem

Vice presidential bet at Senate President Vicente Sotto III at presidential bet Panfilo Lacson

NI NOEL ABUEL

Nangako si presidential candidate at Senador Panfilo Lacson na tutuldukan nito ang kultura ng karahasan sa lalawigan ng Abra gayundin sa iba pang lugar na itinuturing na hotspots sa panahon ng eleksyon.

Sinabi ito ni Lacson sa kanyang pagbisita sa Abra kung saan tatapusin na aniya nito ang pamamayagpag ng mga warlord na kumokontrol sa mga residente at lalong nagpapahirap sa kanilang buhay.

“Of course ginawa ko noong Chief PNP ako – pay special attention not only to Abra but in areas na traditionally historically magulo, not only during election period,” ani Lacson sa kanyang panayam sa media.

Iginiit ni Lacson na sakaling palarin sila ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III, uunahin nila ang malawakang paglilinis sa hanay ng gobyerno.

Katulad aniya ito sa isinagawa nitong internal cleaning sa PNP noong 1999 hanggang 2001 sa ilalim ng liderato ni Lacson bilang PNP Chief.

Kasama sa mga tinanggal sa serbisyo noon ang mga ICU o “inept, corrupt and undisciplined” na mga pulis.

“Ang strategy na dapat i-adopt which I already did when I was Chief PNP, massive internal cleansing ng pulis so bumalik ang trust ang respect ng public sa pulis. Ganoon din sana sa gobyerno. If we scale it up sana bumalik trust ng tao sa gobyerno. There’s no other way. If there’s no trust, how can the people cooperate with the government?” saad ng dating PNP Chief.

Ibinahagi rin ni Lacson ang kanyang dasal para sa isang mapayapang eleksyon sa Abra matapos niyang bisitahin si Bangued Bishop Leopoldo Jaucian.

“Nagkakwentuhan kami, humingi kami ng prayer na sana this time maging tahimik ang election dito,” pagbabahagi ni Lacson.

Samantala, solid naman ang naging suporta kay Lacson ng mga tumatakbo sa lokal na posisyon sa Abra na miyembro ng Partido Reporma. Kasama sa mga supporters na sumumpa laban sa karahasan ay si dating Abra Governor Eustaquio Bersamin, na tumatakbo muli sa pagka-gobernador.

Nanawagan naman si Lacson sa PNP na bantayan ang sitwasyon sa Abra para masiguro na hindi nabubuhay sa takot ang mga residente rito.

Leave a comment