Pag-endorso ng MILF kay VP Leni Robredo boto para sa kapayapaan ng Mindanao — solon

Rep. Mujiv Hataman

NI NOEL ABUEL

Isang makasaysayang desisyon ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa pamamagitan ng United Bangsamoro Justice Party (UBJP) na suportahan ang kandidatura sa pagka-pangulo ni Vice President Leni Robredo ay “boto para sa kapayapaan at progreso sa malaking bahagi ng Mindanao.”

Ito ang sinabi ni House Deputy Speaker at Basilan Rep. Mujiv Hataman kung saan tinawag nitong “great impact” ng hindi inaasahang pag-endorso ng MILF sa isang kandidato sa pagkapangulo.

Ayon kay Hataman, ang suporta ng MILF kay Robredo ay magkakaroon ng “domino effect” sa lokal na kampanya sa Mindanao para sa pagka-bise presidente dahil sa impluwensya ng organisasyon hindi lamang sa BARMM kung hindi sa buong isla.

“Ang UBJP at MILF na mismo ang nagsabi na si VP Leni ang best partner para ma-sustain ang kapayapaan na tinatamasa natin ngayon sa Mindanao,” ayon kay Hataman.

“Kaya naniniwala kami na ang endorsement na ito ay magkakaroon ng domino effect sa maraming lugar hindi lang sa BARMM kundi pati sa buong Mindanao. Unang-una na dito ay ang pagsuporta ng dating gobernador ng Maguindanao kay VP Leni,” dagdag pa nito.

Ibinunyag din ni Hataman na habang ang pagmamalupit sa panahon ng Martial Law ay may malaking ambag sa suporta ng MILF, ang kasiguraduhan ng kapayapaan sa Mindanao sa ilalim ng pamumuno ni Robredo ang malaking dahilan ng desisyon.

“Ang suporta nila kay VP Leni ay may diin sa pagtingin sa kinabukasan kaysa sa paglingon sa nakaraan. Yes, what happened in the past is a contributory factor kasi malupit naman talaga ginawa – towns burned, mosques pillaged at napakaraming masaker ng mga Moro,” sabi ni Hataman.

“Pero para sa UBJP at MILF, mas matimbang ang panatilihin ang kapayapaan sa hinaharap. What the future holds is more important, if the interests of the Moros will be protected, if the path of peace is kept, and who can this be entrusted to,” aniya pa.

Nanawagan si Hataman sa MILF na abutin ang kamay ng mga kaalyado at tagasuporta nito kahit sa labas ng rehiyon para itaguyod pa ang kampanya ni Robredo.

Umaasa naman si Hataman na mas marami pang mga lokal na opisyal mula sa rehiyon ang lalabas at maghahayag ng suporta sa tambalang Robredo-Pangilinan sa eleksyon.

Leave a comment