Samal Island residents hinatiran ng tulong ni Sen. Go

Si Senador Christopher “Bong” Go habang kinakausap ang isang nakatatanda na kabilang sa nakatanggap ng tulong sa Bgy. Del Monte, Island Garden City of Samal

Ni NOEL ABUEL

Personal na hinatiran ng tulong ni Senador Christopher “Bong” Go ang nasa 2,494 mga residente ng Garden City of Samal sa Davao del Norte na labis na naapektuhan ng pandemya.

Kabilang sa huling binisita ni Go ang mga mahihirap na residente ng Barangays Del Monte, San Jose at Cawag kung saan nagsagawa ng  relief operations at namahagi ng mga pagkain, grocery packs, vitamins, shirts, masks at pares ng sapatos at bisikleta.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Go sa mga Samaleños na huwag madalawang-isip na lumapit sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan o ng mismong tanggapan nito kung nangangailangan ng tulong ngayong panahon ng pandemya.

“Kung mayroon kayong problema sa bayarin, sa pagpapalibing, bayarin sa ospital, huwag kayong mag-atubili na lumapit sa aming opisina. Hindi ako mangangako dahil hindi ako pulitiko na mangangako sa inyo. Pero gagawin ko ang lahat para makatulong at gagawin ko lahat para makapagserbisyo sa inyo,” pattitiyak nito.

Sinabi pa ng senador, na tumutupad lamang ito sa mga Samaleños sa patuloy na sumusuporta kay Pangulong Rodrigo Duterte.

“Huwag kayong magpasalamat sa amin… kami ang dapat magpasalamat sa inyo dahil binigyan ninyo kami ng pagkakataon na makapagserbisyo sa inyo, kaya hindi namin sasayangin ang oras at ibabalik namin sa inyo ang aming pagseserbisyo. Gagawin namin lahat ng aming makakaya,” ayon pa kay Go.

Ipinarating din ni Go sa mga ito na huwag mag-atubili na magpagamot kung may sakit dahil sa may mga ospital sa nasabing lalawigan na maaaring puntahan tulad ng  Southern Philippines Medical Center sa Davao City at Davao Regional Medical Center sa Tagum City kung saan may Malasakit Centers na tutulong sa mga ito para sa bayarin sa ospital.

“Mayroon tayong Malasakit Center sa SPMC sa Davao, puwede kahit taga-Samal. Hanapin ninyo lang ang karatula ng Malasakit Center, kami na ang tutulong pati sa inyong pamasahe hanggang sa makauwi kayo ng Samal, kami na ang tutulong,” sabi pa ni Go, na siyang principal author at sponsor ng RA 11463. “Sa Tagum, nagbukas din tayo doon sa ospital at mayroon ding Malasakit Center doon. Inyo itong Malasakit Center at para ito sa poor and indigent patients itong Malasakit Center at para ito sa Pilipino. Zero balance ang target nitong Malasakit Center, lapitan ninyo lang ang Malasakit Center,” dagdag pa nito.

Leave a comment