Go sa botante: Protektahan ang balota

Ni NOEL ABUEL

Nagpaalala si Senador Christopher “Bong” Go sa milyun-milyong Filipinos na boboto sa darting na national and local elections na protektahan ang kasagraduhan ng balota sa pamamagitan ng paninindigan at bumoto na naaayon sa konsensya laban sa tiwaling kandidato.

“Huwag kayong magpapasindak! Huwag kayong magpapadala sa mga pananakot at panunuhol para lang iboto ang mga lider na hindi naman ninyo gusto at hindi kumakatawan sa interes ng higit na nakararami. Patuloy tayong maging mapagmatyag sa mga susunod na linggo at hanggang sa mismong araw ng halalan,” giit ni  Go.

“Tandaan po natin na ang ating boto ay sagrado, at sariling desisyon natin kung sino ang gusto nating iboto na sa palagay natin ay karapat-dapat sa posisyong kanilang tinatakbuhan,” dagdag nito.

Samantala, tiniyak ng senador na sa kabila ng nalalapit na eleksyon, magpapatuloy pa rin ito sa paghahatid ng tulong at serbisyo sa mga Filipino sa buong bansa.

“Habang nakasubaybay tayo sa mga kaganapan sa darating na eleksyon, hindi natin pinababayaan ang ating mga kababayan na nangangailangan ng tulong. Hanggang ngayon ay ramdam pa nila ang epekto ng pandemya at iba pang krisis, kaya kahit anuman ang mangyari sa mundo ng pulitika, prayoridad ko pa rin ang patuloy na serbisyo sa mga kapwa ko Pilipino,” pagtitiyak pa nito.

Patunay aniya nito, ang pagtulong sa mga residente sa malalayong lugar sa buong Luzon, Visayas at Mindanao kabilang ang mga mangingisda, senior citizens, at drivers.

“Patuloy ninyong mararamdaman ang aking serbisyo hangga’t may mga Pilipinong dapat tulungan, lalo na ang mga higit na nangangailangan. Tutulong ako sa abot ng aking makakaya at pupuntahan ko kayo kahit saang sulok ng bansa basta kaya ng aking oras at katawan upang pakinggan ang inyong hinaing, magbigay ng solusyon sa araw-araw ninyong suliranin at mag-iwan ng ngiti sa oras ng inyong pagdadalamhati,” pangako pa ni Go.

Leave a comment