Cayetano sa gov’t offices: Bumuo ng mobile apps para makarating ang tulong sa taumbayan

Senador Alan Peter Cayetano

Ni NOEL ABUEL

Nanawagan si dating House Speaker Alan Peter Cayetano sa mga ahensya ng pamahalaan na gawing mas madali para sa taumbayan na ma-access ang kanilang mga programa sa financial aid sa gitna ng pagtaas ng pagkagutom at nagmumungkahi na ang mga departamento ay gumamit ng mobile app upang gawing mas mahusay ang kanilang mga proseso.

 “Dapat may app na rin ‘yan, may DSWD  app, may DOH app, merong Transport Help app, na kapag kumpleto naman ang requirements mo, i-send mo lang and then through GCash or through a QR code sa phone mo e matatanggap mo na e,” sabi ni Cayetano.

“Why do we have to make it difficult for people to get help eh pera naman nila ‘yan,” dagdag pa nito.

Ipinunto ni Cayetano na ang gobyerno ay may bilyun-bilyong pisong pondo na nakahanda para ipamahagi sa mga mahihinang sektor sa pamamagitan ng Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Department of Transportation (DoTr) bilang bahagi ng P5-trillion national budget para sa kasalukuyang 2022.

Gayunpaman, ang naturang mahalagang tulong ay naantala ng red tape, fixers positioned sa frontline government agencies, at local politicians na nagsilbing mga mediators sa pagitang ng national financial aid programs at ng kanilang mga nasasakupan.

 “Kung wala ka ngang padrino or walang pulitiko na mag-aayos, hindi mo makukuha eh. Mas maliit ang problema natin ngayon in the sense na dati kasi, walang pera eh. Kahit madali ‘yung sistema, kung wala namang pera, wala ka talagang makukuha,” sabi ni Cayetano.

“Ngayon it’s the reverse. Nandiyan ‘yung pera, pero medyo tedious, medyo mahirap ‘yung proseso. That’s one thing I really want to work on, paano padadaliin ito,” dagdag nito.

Isa sa nakikitang paraan ng mambabatas ay paggamit ng teknolohiya sa pamamagitan ng pagbuo ng mobile apps na magagamit ng taumbayan sa pagpoproseso ng transaksyon ng gobyerno at pagtanggap ng tulong pinansyal sa pamamagitan ng mga serbisyo ng fintech services tulad ng GCash o PayMaya.

“With the digital age and with the cellphone, dapat you could do almost everything when it comes to government transactions sa cellphone mo,” aniya pa.

Leave a comment