Mabilis at maayos na transition para sa DMW iginiit ng senador

NI NOEL ABUEL

Nagbabala si Senador Joel “TESDAMAN” Villanueva sa Transition Committee na magtatatag sa Department of Migrant Workers (DMW) na gawing mabilis ngunit maayos ang mga susunod na hakbang para gawing fully constituted ang bagong ahensya.

“The Transition Committee should aim for a speedy and orderly turnover of functions to the DMW during the transition period, while making sure that there are no interruptions to OFW services. Makakasagabal sa kabuhayan ng ating mga migrant workers ang anumang kaguluhan, kalituhan, o pagkaantala sa transition period na ito,” sabi ni Villanueva.

Ito ang naging pahayag ng senador matapos maglabas ng kautusan ang DMW na bawiin ang deployment ban ng OFWs sa Saudi Arabia, na taliwas sa kasalukuyang utos ng Department of Labor and Employment (DOLE).

Sinabi rin ni Villanueva na hindi dapat muna maglabas ng  kautusan o direktiba ang DMW tungkol sa mga deployment ban habang hindi pa fully constituted ang departamento.

Ayon sa Republic Act No. 11641, o ang Department of Migrant Workers Act, kailangan ng DMW Secretary na konsultahin muna ang Advisory Board on Migration and Development, at ang kalihim ng Department of Foreign Affairs (DFA) bago magdesisyon tungkol sa kahit anong deployment ban, ang mangyayari lamang ito kung fully operational na ang DMW.

Sinabi pa ng senador na maaaring gamitin ng mga illegal recruiters at fixers ang mga nakakalitong direktiba lalo na tungkol sa mga deployment ban para manloko ng mga OFWs.

“The transition period compounds a very delicate time for our migrant workers. Direktang apektado na ang sector sa pagpasok ng bagong administrasyon, apektado pa sila ng mga global event gaya ng pandemic at alitan sa pagitan ng Russia at Ukraine. Let’s get our act together for our OFWs,” sabi ni Villanueva.

Ayon sa author at sponsor ng R.A. 11641, tumataas na ang bilang ng OFWs na lumalabas sa bansa habang nagbubukas na ang mundo mula sa pandemya. Gayundin naman, may mga nagsisibalikan na OFW dahil pa rin sa pandemya, at nagreresulta ito sa “reverse diaspora” o “brain gain” sa Pilipinas.

Sinabi rin ng senador na abala rin ang mga ahensya ng gobyerno ang pagserbisyo sa OFW sa mga areas of concern gaya ng Shanghai, Hong Kong, at Ukraine.

Leave a comment