
NI NOEL ABUEL
Iginiit ng isang senador na dapat na pabilisin ang pagbabakuna sa mga kabataang may edad na lima 5 hanggang 11 laban sa COVID-19 virus bilang paghahanda sa pagbabalik ng mga estudyante sa paaralan sa School Year 2022-2023.
Ayon kay Senador Sherwin Gatchalian, sa gitna ng pagdiriwang ng World Immunization Week ay kailangang paigtingin ang pagbabakuna ng mga kabataan lalo na’t wala pang dalawampung porsyento o 18.59% ng mga kabataan sa naturang age group ang nakatanggap ng unang dose ng COVID-19 vaccine mula Abril 17.
Katumbas nito ang 2.6 milyong mga kabataan sa naturang age group.
Aniya, upang mapabilis ang pagbabakuna sa mga kabataan, hinimok ng mambabatas ang National Task Force (NTF) Against COVID-19, ang Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID), at ang Department of Education (DepEd) na lalo pang isulong sa mga paaralan ang pagbabakuna kontra COVID-19.
Ayon kay Gatchalian, dapat mabakunahan ang hindi bababa sa 70% ng mga batang 5 hanggang 11 taong gulang bilang paghahanda sa School Year 2022-2023. Balak ng DepEd na simulan ang bagong school year sa Agosto 22.
Ayon pa sa chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, ang mataas na bilang ng nabakunahang mga kabataan ay mahalaga sa pagpapalawig ng face-to-face classes sa buong bansa.
Target ng NTF na mabakunahan ang 15.56 milyong mga kabataang nasa lima 5 hanggang 11 taong gulang kung saan ayon pa sa DepEd, 14 milyong mga kabataan sa naturang age group ang maaaring makatanggap ng bakuna kontra COVID-19.
Samantala, nasa 86.51% na ng mga kabataang may edad na 12 hanggang 17 ang nakatanggap na ng unang dose ng bakuna kontra COVID-19.
Katumbas nito ang halos sampung milyon o 9.9 milyong mga menor de edad.
“Habang patuloy ang pagsisikap nating paramihin ang mga paaralang lumalahok sa limited face-to-face classes, dapat paigtingin din natin ang pagbabakuna kontra COVID-19 para sa mga kabataang may edad na 5 hanggang 11. Kung mababakunahan natin ang mas maraming kabataan laban sa COVID-19, mas matitiyak natin ang kanilang kaligtasan kung makalahok na sila sa face-to-face classes,” ani Gatchalian.
