100k trabaho alok sa Araw ng Paggawa — DOLE

NI NERIO AGUAS

Dapat na samantalahin ng mga naghahanap ng trabaho ang inihandang libu-libong oportunidad sa trabaho sa gaganaping ika-120 taong pagdiriwang ng Araw ng Paggawa sa darating na araw ng Linggo na may temang, “Matatag na Manggagawa, Matatag na Bansa!

Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III may 134,287 trabahong lokal at sa ibang bansa ang inihahanda para sa face-to-face Trabaho, Negosyo, Kabuhayan (TNK) Job at Business Fairs na lalahukan ng mahigit sa 900 employers sa buong bansa.

Sinabi ng kalihim na ang partisipasyon ng mga employers sa May 1 job fair ay isang patunay sa pagsusumikap ng pamahalaan na muling makabawi ang empleyo na lubhang naapektuhan ng pandemya.

“Ang job fair na ito ay isa sa mga estratehiya upang makabawi ang empleyo para sa muling pagbuhay ng ekonomiya, pagbabalik ng kumpiyansa ng mga mamimili at negosyo, pagtataas sa kasanayan ng mga manggagawa, at mabilis na pangangasiwa sa merkado ng paggawa,” pahayag ni Bello.

Nabatid na karamihan sa mga alok na trabaho sa 26 na job fair sites ay nasa manufacturing, business process outsourcing, at retail/sales industry.

Sinabi ni Bello na maaaring samantalahin ng mga naghahanap ng lokal na trabaho ang 87,145 trabaho para sa production operators/machine operators, customer service representatives, collection specialists, retail/sales agents/promodiser, at sewers na iaalok ng 882 na mga employers.

Samantala, 47,142 trabaho sa Kingdom of Saudi Arabia, United Arab Emirates, Qatar, Kuwait, Germany, Poland, United Kingdom, Japan, Taiwan, at Singapore ang iaalok ng 81 recruitment agencies.

Ang pangunahing mga bakanteng trabaho para sa ibang bansa ay nurse/nurse aide; karpintero, foreman, at welder; food server; household service worker; at auditor.

Ayon kay Bello ang pangunahing lugar para sa job fair sa Mayo 1 ay gaganapin sa Kingsborough International Convention Center sa San Fernando City, Pampanga, kung saan mahigit 10,000 trabaho ang iaalok ng 90 employers.

Karamihan sa mga bakanteng trabaho ay production operator, skilled sewer, customer service representative, production helper, call center agent, helper, staff nurse, at collections specialists.

Ang iba pang lugar ng job fair sa Mayo 1 ay nasa mga sumusunod na rehiyon:

National Capital Region – Arroceros Forest Park, Manila

Cordillera Administrative Region – Baguio Convention Center

Ilocos Region – 3F MMX Center, Magic Mall, Urdaneta City, Pangasinan; Tagudin Farmers Center, Tagudin, Ilocos Sur; Robinsons Place Ilocos, San Nicolas, Ilocos Norte

Cagayan Valley Region – Robinsons Place Santiago City, Isabela

CALABARZON – St. Thomas Academy Gymnasium, Poblacion 3, Sto. Tomas, Batangas; Vista Mall, San Agustin, Dasmariñas, Cavite; Camp Vicente Lim, Brgy. Canlubang, Calamba, Laguna; Pacific Mall, ML Tagarao St., Brgy 3, Lucena City, Quezon; at Ynares Event Center Capitol Grounds, Antipolo City, Rizal

MIMAROPA – Robinsons Place, Puerto Princesa City, Palawan

Bicol Region – Robinsons Place, Naga City, Albay

Maaari ring pumunta ang mga naghahanap ng trabaho sa SM City Iloilo sa Western Visayas; SM Trade Hall, SM City Cebu, Juan Luna Ave. Ext., Cebu City at Lamberto Macias Sports Complex, Capitol Area, Dumaguete City sa Central Visayas; at Robinsons North Tacloban City sa Eastern Visayas.

Sa Mindanao, ang mga lugar ng job fair ay sa mga sumusunod na rehiyon:

Zamboanga Peninsula – East Wing, Ground Floor, KCC Mall de Zamboanga, Zamboanga City;

Davao Region – 3F Activity Area NCCC Mall Buhangin, Davao City and 4F Activity Area, NCCC Mall, Tagum City;

SOCCSKSARGEN – KCC Events Center, KCC Mall ng Marbel, Koronadal City

CARAGA – Robinsons Place Butuan Isa pang job fair ang gaganapin sa Parañaque City Hall Grounds sa ika-4 ng Mayo.

Leave a comment