Dagdag na benepisyo sa mga manggagawa ipinangako ng senador

Senador Win Gatchalian

Ni NOEL ABUEL

Nangako si Senador Win Gatchalian na tututukan nito ang pagsasabatas ng pagtapyas ng buwis sa mga empleyadong naka-work-from-home (WFH), karagdagang benepisyo sa mga construction worker at pagpapagaan sa multa para sa mga employer na hindi nakakapagbayad ng kontribusyon sa Social Security System (SSS) ng kanilang mga kasambahay.

Ayon sa senador, naniniwala ito na bukod sa pagtataas ng sahod, ang pagbibigay ng mga karagdagang benepisyo katulad ng insurance package, tax deductions, at social insurance coverage ay malaki ang maitutulong sa pinansiya ng mga manggagawa lalo na ‘yung mga arawan ang sahod.

Dahil inaasahan na aniyang magiging bahagi na ng new normal ang telecommuting, binigyan diin ni Gatchalian ang pangangailangan ng pagsasabatas ng pagbawas sa buwis ng mga empleyadong naka-WFH upang kahit papaano ay mapagaan ang kanilang karagdagang gastusin araw-araw sa kuryente, internet connectivity at iba pang may kinalaman sa kanilang trabaho.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 1706 kung saan co-author si Gatchalian, iminumungkahi ang P25.00 na bawas sa taxable income sa bawat oras na ginugugol sa WFH arrangement upang mapataas ang net pay ng mga manggagawa.

Layon din ng panukala na gawing non-taxable ang mga benepisyo o allowance na ipinagkakaloob sa mga manggagawang naka-WFH na hindi lalagpas sa P2,000 kada buwan.

“Sa pambihirang krisis tulad ng pandemya, namulat tayo sa mga makabagong pamamaraan ng paghahanap-buhay. Malaki ang tulong ng panukalang batas sa ganitong mga panahon ng kagipitan upang mapawi ang mga alalahanin sa pang-araw-araw na mga bayarin,” ani Gatchalian.

At sa inaasahan naman aniyang paglago ng sektor ng konstruksyon dahil sa bumubuting kalagayan ng ekonomiya ng bansa, iginiit ni Gatchalian ang pagsasabatas ng pagbibigay ng accident at life insurance coverage para sa mga construction worker.

Sa kanyang Senate Bill No. 741 o ang panukalang Construction Workers Insurance Act, ipinanukala ni Gatchalian na imandato ang mga employer ng mga manggagawa sa mga construction project o site ang pagbibigay ng group personal accident insurance coverage.

Sakop ng nasabing insurance ang pagsisimula ng serbisyo ng manggagawa hanggang matapos ang proyekto o kontrata sa pagtatrabaho.

Leave a comment