
NI NERIO AGUAS
Muling nagpaalala ang Bureau of Immigration (BI) sa lahat ng Filipino na nagbabalak maging overseas Filipino workers (OFWs) na mag-ingat na mabiktima ng human trafficking at illegal recruitment schemes.
Ginawa ni BI Commissioner Jaime Morente ang babala sa pagdiriwang ng Labor day ngayong araw kung saan maraming job offers ang inilatag para sa mga nagnanais na magtrabaho sa ibang bansa.
Sinabi pa ni Morente na ang human trafficking ang nananatiling banta sa mga Filipino na maging biktima ng illegal recruiters.
“Human trafficking is considered as modern day slavery. It is real, and it has hit many Filipino families. These recruiters would make their victims agree to unacceptable working conditions, promising a better life by working abroad illegally. Many victims end up overworked, underpaid and sometimes not even paid at all,” paliwanag pa ni BI chief.
Sinabi pa nito na ang illegal na pagtatrabaho sa ibang bansa ang isa sa pangunahing dahilan upang maabuso ang mga biktima.
Noong nakalipas na taon, aabot sa 688 OFWs ang nailigtas sa kamay ng mga sindikato ng human trafficking at illegal recruitment na nagtangkang makaalis ng bansa.
Sa kahalintulad ding taon, napigilan din ng BI ang pag-alis ng 13,680 pasahero dahilan sa kawalan ng sapat at maayos na dokumento kung saan karamihan sa mga biktima ay binibigyan ng pekeng dokumento o sumasailalim sa pagsasanay para gumawa ng pekeng pahayag sa pagtatrabaho nang illegal sa ibang bansa.
“During labor day, we remind ourselves of our duty as the last line of defense in protecting our kababayan from unscrupulous recruiters,” ayon pa kay Morente na nagsabing ang BI ay bahagi ng Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).
Nanindigan ito na mananatiling mapagbantay laban sa human trafficking at pananatilihin ang Tier 1 status ng Pilipinas sa United States Trafficking in Persons (TIP) Index.
