Sen. Go personal na dinala ang tulong sa multi-sectoral groups sa Samal Island

Si Senador Christopher “Bong” Go habang hinahatiran ng tulong ang isang senior citizen sa Samal Island.

Ni NOEL ABUEL

Muling binalikan ni Senador Christopher “Bong” Go ang mga  residente ng Island Garden City of Samal sa Davao del Norte para mamahagi ng ayuda sa mga mahihirap na pamilya.

Personal pinutahan ni Go ang Barangay Sta. Cruz sa nasabing lalawigan at nagsagawa ng relief operations para sa magsasaka, mangingisda, solo parents, senior citizens at iba pang sectoral groups.

Sa kanyang mensahe, sinabi ni Go na hindi ito tumatalikod sa pangakong tutulungan ang mahihirap na pamilya sa bansa kahit saang sulok pa ng bansa.

 “Mga kababayan ko, mayroon lang akong kaunting tulong para sa inyo. Ako sinabi ko sa inyo noong una na kahit saang sulok kayo ng Pilipinas, basta kaya lang ng panahon ko at kaya lang ng oras ko, tutulungan ko kayo,” sabi ni Go.

“Dahil ‘yan ang pangako ko sa inyo na kahit saan kayo dito sa Pilipinas, magbibigay ako ng tulong at solusyon sa inyong mga problema…. Makapag-iwan lang ng kaunting kasiyahan sa mga mukha ninyo, ay masaya na rin ako,” dagdag pa nito.

Sa kabuuan, nasa 1,376 residente ang hinatiran ng tulong sa Sta. Cruz National High School kung saan nasunod naman ang ipinatutupad na health protocols.

Kasama ni Go na dumating sa Samal Island  ang Department of Agriculture (DA) na ibinahagi ang swine multiplier farms sa mga agrarian reform farmer-beneficiaries upang masolusyunan ang paglaban sa African Swine Fever na nakaapekto sa hog industry.

Maliban dito, sinuportahan ni Go ang konstruksyon ng kalsada sa Port of Barangay Sta. Cruz hanggang Barangay Linosutan, Talicud Island, Kaputian District; lansangan mula Crossing Toril, Babak hangganng Barangay Sto. Niño, Babak District; at ang kalsada mula San Agustin Elementary School hanggang Maximo Arellano Elementary School, sa Brgy. Sto. Niño, Babak District. Gayundin, ang water system projects sa Barangays Pangubatan, Libertad, San Remigio, Kinawitnon at Miranda; konstruksyon ng bypass road Jct. Babak-Samal-Kaputian Road-Brgy. San Antonio-Tagpopongan, Phase 2, IGACOS Circumferential Road; at ang konstruksyon ng dalawang palapag na multipurpose building at farm-to-market road sa Brgy. Tambo.

Leave a comment