Tulong sa ride hailing services isusulong ni Cayetano sa Senado

Rep. Alan Peter Cayetano

Ni NOEL ABUEL

Isinusulong ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano na dapat na bigyan ng retirement benefits at iba pang benepisyo ang mga ride hailing services na mga motorcycle riders dahil sa mahalagang trabaho ng mga ito lalo na ngayong panahon ng pandemya.

Sa kanyang pagbisita sa Angkas Training Center sa Cainta, Rizal, nausisa si Cayetano kung ano ang magagawa nito sa sandaling manalo sa darating na eleksyon sa kalagayan ng mga motorcycle riders.

Aniya, ang mga  Uber, Grab, Toktok, at iba pa ay may mahalagang ginagampanan sa bansa kung kaya’t dapat lang na bigyan ng kaukulang benepisyo.

“Palaging nauuna ang negosyo, hindi dapat.  One step ahead tayo, maraming magagandang trabaho sa bansa at ‘yung retirement benefits at tulong ng mga local government units (LGUs) katulad ng PhilHealth ay malaking tulong para sa kanila. Hindi naman sila naghahanap ng malaking kita kundi para lamang sa kanilang pamilya,” sabi nito.

Batid aniya nito na malaki ang problema ng mga ride hailing riders dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo kung kaya’t dapat na tulungan ang mga ito.

Samantala, sinabi ni Cayetano na sa pagbabalik nito sa Senado ay isusulong ang paggamit sa Nationa ID para makarating agad ang tulong sa mga nangangailangan.

Mas madali aniya para sa taumbayan na ma-access ang financial aid sa paggamit ng mobile apps tulad ng GCash at Paymaya.

 “Dapat may app na rin ‘yan, may DSWD  app, may DOH app, merong Transport Help app, na kapag kumpleto naman ang requirements mo, i-send mo lang and then through GCash or through a QR code sa phone mo e matatanggap mo na e,” sabi ni Cayetano.

Ipinunto ni Cayetano na ang gobyerno ay may bilyun-bilyong pisong pondo na nakahanda para ipamahagi sa mga mahihinang sektor sa pamamagitan ng Department of Health (DOH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), at Department of Transportation (DoTr) bilang bahagi ng P5-trillion national budget para sa kasalukuyang 2022.

Leave a comment