Igalang ang resulta ng eleksyon — Sara Duterte

Ni NOEL ABUEL

Nanawagan si Lakas-Christian-Muslim-Democrats  vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte sa lahat ng sektor na irespeto ang lalabas na resulta ng May 9 national and local elections.

Sinabi ni Duterte, ang Lakas-CMD at regional party Hugpong ng Pagbabago (HNP) chairperson, na ang apela nito ay ginawa sa programang Sa Ganang Mamayan Monday sa Net 25 na ang host ay si Senador  Francis Tolentino.

“Lahat po tayo dapat respetuhin natin kung ano ‘yung resulta ng eleksyon at suportahan natin ‘yung mga mananalo, ‘yung mga ihahalal ng ating mga kababayan,” sabi ni Duterte.

Muli ring inulit ni Duterte ang apela nito na maging maayos ang gaganaping electoral process sa araw ng Lunes, Mayo 9.

“We should all pray for honest, orderly and peaceful elections. Let’s love our country,” ani Duterte.

Samantala, siniguro ni Duterte na isusulong nito ang kapakanan ng mga manggagawa sa bansa kasabay ng pagdiriwang ng Labor Day.

“We will continue to push for the implementation of workers’ rights in our country,” sabi nito.

Umapela rin ang alkalde sa taumbayan na samantalahin ang libreng bakuna upang makaiwas sa epekto ng coronavirus disease-19 (COVID-19).

“Sa lahat po ng ating mga kababayan, ang pagpapaala-ala ko lagi są inyo ay kunin ninyo po talaga ‘yung booster shot ninyo, o pangatlong bakuna sa COVID-19. Napakalaki po ng tulong nu’n kapag kayo ay nahawa, hindi kayo magiging severe o critical case na mangangailangan ng hospital care,” paliwanag pa nito.

Leave a comment