P392K halaga ng marijuana nasabat ng BOC

Ni NERIO AGUAS

Nasabat ng Bureau of Customs–Port of Clark ang dalawang kargamento na naglalaman ng 231 gramo ng Kush o ng marijuana na nagkakahalaga ng P392,700.00 mula sa bansang Spain.

Nabatid na idineklara ang kargamento na naglalaman ng “city comfort bufanda mujer invierno” na ang isa ay nanggaling sa Madrid, Spain na dumating noong Marso 27, 2022 habang ang ikalawang kargamento ay mula naman sa Barcelona, Spain na dumating noong Abril l 03, 2022.

Nakatala na ang consignees ng nasabing mga kargamento ay naka-address sa Quezon City at Marikina City.

Sinasabing ang matagumpay na operasyon ay isinagawa ng mga tauhan ng BOC Port personnel, sa tulong ng Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (CAIDTF), Enforcement Security Service (ESS), Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), X-ray Inspection Project (XIP), at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Isinailalim sa x-ray scanning ang nasabing kargamento nang dumating sa pantalan kung saan nakita ang imahe ng organic substances kung kaya’t nagsagawa ng 100 porsiyentong physical examination.

Dito ay nadiskubre ang dalawang plastic pouches na naglalaman ng dried leaves, buds, at stems mula Madrid habang tatlong  vacuum-sealed packs ang nakapaloob sa kargamento mula Barcelona na hinihinalang marijuana.

Maging ang PDEA K9 units ay nagpakita rin ng senyales na mayroong illegal drugs ang kargamento kung saan nang isailalim din sa chemical laboratory analysis ay nakumpirmang marijuana ito na ipinagbabawal sa ilalim ng R.A. No. 9165.

Nagpalabas naman ng Warrant of Seizure and Detention si District Collector Alexandra Lumontad laban sa nasabing shipments dahil sa paglabag sa Sections 118 (g), 119 (d), at 1113 (f) ng Republic Act (R.A.) No. 10863 in relation to Section 4 of R.A. No. 9165 o mas kilalang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Leave a comment