
Ni NOEL ABUEL
Pinatunayan ni Pangulong Rodrigo Duterte na hindi nito iiwanan at tatalikuran si dating House Speaker Alan Peter Cayetano at personal na sinaksihan ang mala-presidential campaign rally nito sa lungsod ng Taguig.
Una nito, inakalang tanging video message lamang ang ipinarating na pagpuri at pasasalamat ni Pangulong Duterte kay Cayetano at sa asawa nitong Taguig 2nd District Rep. Lani Cayetano dahil sa pagtulong ng mga huli sa una noong tumakbo ito noong 2016 presidential elections.
Ngunit laking gulat na lamang ng libu-libong dumalo sa concert rally para kay Cayetano nang biglang sumulpot si Pangulong Duterte at si Senador Christopher “Bong” Go dahilan upang hindi magkamayaw ang mga manood na supporters.


“Una sa lahat magpasalamat ako sa inyo mga taga-Taguig, and of course sina Lani pati si Alan Peter, kasi kayo ang gumawa para maging Presidente ako. Ngayon matatapos na ang termino ko at nandito ako ulit. Talagang alam ko na tinulungan ninyo ako,” sa pahayag ni Duterte.
Nabatid na bihirang dumalo ang Pangulo sa mga political rally ng isang kandidato na hindi presidential candidate kung saan tanging si Cayetano lamang ang nakagawa nito.
Sa kanyang pahayag, sinabi ng Pangulo na natupad na nito ang pangako sa taumbayan nang tumakbo ito at si Cayetano anim na taon na ang nakalilipas partikular ang may kinalaman sa edukasyon at healthcare.
“Wala akong masyadong ipinangako. Sabi ko, edukasyon. Ngayon nandiyan na ang batas para sa pag-aaral sa tertiary (level). Tapos na,” sabi nito na tinukoy ang Universal Access to Quality Tertiary Education Act o ang Republic Act 10931.
Kasama rin sa tinukoy ni Duterte ang Malasakit Center Act o ang R.A. 11463 na nag-aatas na magtayo ng Malasakit Centers sa lahat ng ospitals sa ilalim ng Department of Health (DOH) at ng Philippine General Hospital (PGH) na inihain ni Go.
“Sabi ko sa inyo, ospital. Nandyan na ang mga Malasakit Center. Kay Bong Go ‘yon. Noon kasi, pag may reseta ka sa doktor, pupunta ka pa kung saan saan. Kung wala kang pera, uutang ka. Ngayon nandyan sa ospital na mismo, maraming tables diyan (na tutulong sa iyo),” sabi ng Pangulo.
Kabilang din sa naging pangako ni Duterte at Cayetano ang pagpasa sa Department of Migrant Workers (DMW) Act na nilagdaan ng una noong Disyembre 2021.
Taong 2017 nang ihain ni Cayetano ang Senate Bill No. 1435 na naglalayong magtatag ng isang departamento na tutugon sa mga problema ng mga overseas Filipino workers (OFWs) at ng pangangailangan ng kanilang pamilya.
Bagama’t hindi ito naging batas, hindi sumuko si Cayetano nang maging kongresista noong 2019 hanggang maipasa ang House Bill No. 5832 noong Marso 2020 noong House Speaker pa si Cayetano.
