
Ni NOEL ABUEL
Nanawagan ng isang malinis at mapayapang halalan sa darating na Lunes, Mayo 9, 2022 si Congressional candidate Ate Rose Lin hindi lamang sa Distrito 5 ng Quezon City kundi sa buong Pilipinas.
“Iisa lamang po ang hangarin ko at ito ay ang magkaroon tayo ng isang malinis at mapayapang halalan hindi lamang po sa ating pinakamamahal na Distrito 5 kundi sa buong lungsod ng Quezon at sa buong Pilipinas,” pahayag ni Ate Rose Lin.
Idinagdag pa nito na ang maayos at matahimik na eleksyon ay hindi lamang tagumpay ng mga kandidato kung hindi maging ng mga mamamayan at ng bansa.
” Kapag naranasan po natin at nakamit ang isang genuine honest and peaceful election, ito po ay tagumpay hindi lang para aming mga kandidato, kundi tagumpay din ng lahat ng mga botante, ng mamamayan, ng bansa at ng demokrasya,” sabi pa nito.
Ayon sa kampo ni Ate Rose Lin sa simula pa lamang o bago pa manganpanya ay iisang lang ang hangad nito sa Distrito 5, at ito ay ang magkaroon ng payapa at positibong kampanya.
Sinabi naman ni Atty. Manuel Jeffrey David, tumatayong abogado ni Lin na malaki ang pagtutol ng huli sa negative campaigning.
“Iisa lang naman ‘yung nagne-negative campaigning dito eh. Alam nyo naman kung sino ‘yan di ba? Parang on our end, sabi nga ni Ate Rose Lin pinasa-Diyos na niya ‘yan. Ayaw niyang patulan ‘yan. Kasi nga itinataas namin ang lebel at antas ng pulitika. Hindi kami nandito para manira ng tao. Hindi kami nandito para mangyurak ng pagkatao ng ibang kandidato. Wala kaming ganyang habulin dito. In fact sasabihin ko nga, may nagpost na isang kandidata rin ho. Ang sabi niya pagkatapos ng eleksyon, magkakaibigan na uli, ” paliwanag pa ni Atty. David.
“Kami naman ho, iyan ang pananaw namin. Kasi alam namin kapag palarin kaming manalo kailangan din naman namin ang tulong nila. Kailangan din namin silang kupkopin. Stakeholder sila dito, kasi sila ‘yung matagal na sa distrito. Sila ‘yung matagal ng nakakaalam ng mga pangangailangan ng distrito, pasensyahan na lang tayo hindi natutugunan. Pero ang point namin dito is ‘yan ho ang intensyon namin dito,” dagdag pa ng abogado.
Iisa lang ang nais patunayan ng kampo ni Ate Rose Lin at ito ay kaya nilang manalo sa malinis na paraan at walang sinisiraan.
