
Ni NOEL ABUEL
Hinamon ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano ang mga botante na gamitin ang social media para ilantad ang mga walang prinsipyong pulitiko at kanilang mga campaigners na gagamitin ng pamimili ng boto at gagamit ng dahas habang nalalapit ang May 9 national and local elections.
“Sa isang modernong demokrasya, wala talaga dapat nakawan ng boto. Nakawin man ‘yan sa pananakot, nakawin ‘yan sa pagbibili, nakawin ‘yan sa blackmail, hindi dapat nangyayari ‘yan,” sabi ni Cayetano sa campaign rally nito sa Masantol, Pampanga.
“Sa modern day na election, dapat kung ano ang kalooban ng tao, ‘yun ang nasusunod,” dagdag nito.
Sa pinakahuling datos ng Philippine National Police (PNP), nakapagtala na 52 kaso na may kinalaman sa election-related violence sa buong bansa noong May 1, habang ang social media ay napupuno ng mga ulat ng nangyayaring bilihan ng boto sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Gamitin po natin ang social media, at alamin ‘yung mga linya ng ating traditional media, dyaryo, radyo, at TV para talagang ma-reveal natin, mabuko natin ‘yung mga nanakot, ‘yung mga gumagamit ng pera o goons,” payo pa ni Cayetano sa mga botante.
Sinabi pa nito na ang kanyang desisyon na magsagawa ng eco-friendly campaign ay maaaring magdulot sa kanya ng ilang bawas sa pre-election surveys subalit naniniwala itong ang pagkonekta sa mga botante ay mas mahalaga kaysa sa kakayahang makita ng personal kahit sa huling linggo ng kampanya.
“Talagang dasal at pag-connect sa tao ang mahalaga. Social media, interviews, tuwing papasyal tayo sa iba’t ibang lugar, kasi hindi naman kailangan mukha mo is everywhere. Tingin namin magandang example na kapag nanalo tayo with that, in the future, sana less din ‘yung waste natin tuwing campaign season,” sabi nito.
Sa pagsisimula ng kanyang Senate campaign noong Pebrero, nanawagan si Cayetano sa mga supporters nito na muling gamitin ang mga lumang campaign materials at magtanim ng puno at mangroves at simulan ang urban vegetable gardens sa kanilang mga lugar upang makabwi ang epekto sa kapaligiran ng panahon ng halalan.
At dahil dito, maraming grupo sa buong bansa ang tumugon sa eco-friendly na diskarte ni Cayetano sa pamamagitan ng pagsisimula ng clean-up drives, pagtatanim ng puno at bike caravans.
“So hindi naman magagawa ng lahat ng kandidato, pero tingin ko dumating ako du’n sa point na mag-suffer man ng konti ‘yung campaign, e mas marami namang matutulungan at maipapakita natin na importante talaga ang environment,” paliwanag pa ni Cayetano.
