
NI NOEL ABUEL
Daan-daang mga siklista ang nagsagawa ng nationwide bike caravan bilang pagpapakita ng suporta sa kandidatura ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano bilang senador sa darating na May 9 national and local elections.
Nabatid na ito na ang ikaapat na bike caravan ng iba’t ibang samahan ng siklista sa 14 na lugar sa Luzon, Visayas, at Mindanao na sabay-sabay na nagdaos ng kani-kanilang “1-4 Alan Bike Caravan”.
Nilibot ng mga siklista ang mga pangunahing kalsada ng La Union, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Batangas, Quezon, Iloilo, Dumaguete, Tacloban, Catbalogan, Zamboanga, Misamis Oriental, Digos, at Kidapawan.

Kasama ring sumama sa bike caravan ang mga alkalde, bise alkalde, at mga barangay officials ng bawat lugar.
Pahayag ng mga lumahok, inilunsad nila ang bike caravan bilang pakikiisa rin sa isinusulong ni Cayetano na eco-friendly at “lead-by-example” campaign ngayong eleksyon.
“Maganda kasi talagang exercise ang pagba-bike, at syempre tipid sa gasolina. Tulong na rin natin sa environment protection tulad ng sabi ni Senator Alan,” wika ng isa sa mga siklista.
“Malayu-layo rin ang napadyak natin. Sana marami tayong naabot sa mensahe ni Congressman Alan na pangalagaan ang kalikasan,” pahayag ng isa pa.
Noong nakaraang Pebrero inanunsyo ni Cayetano na hindi ito gagamit ng mga nakaimprentang campaign materials tulag ng mga poster, flyer, at tarpaulin na aniya ay makadadagdag lamang sa tone-toneladang basurang naiipon tuwing panahon ng eleksyon.
Hindi rin aniya ito nagsagawa ng mga motorcades na maaksaya lamang sa gasolina at nakadadagdag sa polusyon.
Hinikayat na lang ni Cayetano ang kanyang mga tagasuporta na magtanim ng mga puno at mangrove, magtayo ng mga urban farm, at gamitin ang social media bilang mga alternatibo sa tradisyunal na pangangampanya.
Isinusulong ni Cayetano, na isa sa mga nangunguna sa mga pinakahuling survey para sa mga kandidato sa pagka-Senador, ng isang faith-based at values-oriented leadership sa Senado.
