Kongresista at kapatid pinadalhan ng 2 bala

Ang dalawang bala ng M-16 rifle na nakitang laman ng ipinadalang box sa tanggapan ni Quezon City Rep. Alfred Vargas.

Ni NOEL ABUEL

Dumulog sa Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) ang isang kongresista ng lungsod Quezon matapos na makatanggap ng death threat mula sa hindi nakilalang mga suspek.

Ayon  kay Quezon City (5th District) Rep. Alfred Vargas, isang kahon ng karton na naglalaman ng dalawang bala ng M-16 rifle ang dumating sa district office nito sa ikalawang palapag na gusali sa Novaliches District Center Building, Jordan Plain Subdivision, Bgy. Sta. Monica, Quezon City kahapon ng tanghali.

Sa salaysay ni Patrick Michael Vargas, nakababatang kapatid ng actor-turned politician na si Alfred, at tumatakbo ngayon sa pagka-kongresista sa nasabing distrito, isang delivery rider ang nagdala ng nasabing kargamento dakong ala-1:20 ng hapon at naka-address sa pangalan nito.

“Makikitang dineliver ang pakete ng rider eksakto 1:20 PM kahapon. Ito ay isang kahon na naka-address sa akin. Dalawang pirasong bala ng M16 ang laman. Maliwanag na ang intensyon ng nagpadala ay para takutin kami at ang aming pamilya,” sabi ni Vargas.

Sa pahayag ni Erlene Acapulco, receiving desk officer ng tanggapan nina Vargas, sang babae ang dumating sa nasabing opisina at may dalang isang box at nang usisain kung saan ito galing ay tumanggi itong magsalita bago agad na umalis at iniwan ang kargamento.

Nang siyasatin ng nakatalagang guwardiya ang laman ng box ay laking gulat na lamang nang makita ang laman nito na dalawang 5.56mm ammunitions.

“Ngayon ay nahaharap kami sa ganitong klase ng death threat na tinaon pa sa dulo ng kampanya. Nananawagan kami sa aming pamilya, mga kaibigan, at supporters na samahan niyo kaming maging vigilant sa lahat ng uri ng kasamaan, pananakot at pandaraya na ginagawa ng ating mga kalaban ngayong eleksyon,” panawagan ni Rep. Vargas.

Inilahad pa ng incumbent congressman na apat na beses na silang hinikayat na umatras sa laban kung saan daan-daang milyong piso ang naging alok sa kanilang magkapatid.

Kakasilang pa lang ng unang anak ni PM Vargas nitong Abril kaya naging emosyonal ang pulitiko para sa seguridad at kapakanan ng pamilya.

Nanawagan naman ang kongresista sa kanilang mga ka-distrito na protektahan ang kanyang bunsong kapatid at bantayan ang boto ng bawat Novalenyo.

“Hahayaan ba ninyong sirain ng mga dayo nang ganon-ganon na lang at pagharian ng kadiliman ang Novaliches? Walang puwang sa District 5 ang mga nagsisiga-sigaang sindikato para makuha lang ang kanilang gusto. Habang papalapit na ang araw ng eleksyon, samahan niyo po kaming protektahan ang ating boto. Tumayo po tayo sa likod ni PM. Let us all stand together to protect PM and District 5,” tugon ni Vargas.

Leave a comment