
Ni NOEL ABUEL
Nagpasalamat si Senador Christopher “Bong” Go kay Pangulong Rodrigo Duterte sa paglagda sa Republic Act No. 11713 o mas kilalang Excellence in Teacher Education Act of 2022.
Sinabi ni Go, na karapat-dapat lamang na ibigay ang lahat ng suporta sa mga guro sa bansa dahil sa malaking bagay na ginagampanan ng mga ito kahit panahon ng pandemya.
“Teachers play a critical role in ensuring the continued delivery of learning and ensuring a brighter future for our children, as the country continues its battles against COVID-19. That is why I want to commend President Duterte for prioritizing the welfare of our educators,” sabi ni Go.
“Alam kong napakahirap ng buhay ngayon kaya dapat patuloy natin ibigay ang nararapat na suporta sa ating mga guro, lalung-lalo na at nasa gitna pa tayo ng krisis. Kung gusto natin umunlad ang educational sector, bigyan natin ng karampatang suporta at importansya ang mga guro,” dagdag nito.
Sa ilalim ng nasabing batas, layon nito na matiyak na nakahanda ang mga guro ng mga kaaya-aya at epektibong kapaligiran sa pag-aaral para sa kanilang mga estudyante.
Aniya, layunin din ng batas na mapabuti ang sektor ng edukasyon sa pamamagitan ng pagbabago sa Teacher Education Council (TEC) at pagbuo ng mga kinakailangang programang kailangan sa scholarship programs sa mga naghahangad na maging guro.
Ipinag-utos din dito ang pagtatayo ng Teacher Education Centers of Excellence (Teacher Education-COEs) sa mga estratehikong lugar sa lahat ng rehiyon sa bansa na nakakasunod sa itinatakdang panuntunan.
“Habang ang mga kabataan ang pag-asa ng ating kinabukasan, napakaimportante po talaga na pangalagaan natin ang ating mga guro dahil sila po ang pangunahing maghuhulma sa ating mga kabataan,” ayon kay Go. “Huwag natin pababayaan ang ating mga guro. Nais ko rin magpasalamat sa aking kasamahan sa Senado, kay Senator Win Gatchalian dahil talaga naman maraming matutulungan ang kaniyang ipinanukalang batas,” sabi pa nito.
