
Ni NOEL ABUEL
Isinusulong ni Senador Win Gatchalian ang mas maigting na pagsugpo sa hazing sa gitna ng patuloy na pagkakaroon ng mga insidente at kamatayang may kinalaman sa ganitong mga aktibidad.
Sinabi ito ng senador matapos batikusin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang karahasang dulot ng mga kasapi ng mga fraternity sa mga nais maging bahagi ng kanilang grupo.
Ayon sa Pangulo, kailangang maghinay-hinay ng mga kasapi ng mga fraternity pagdating sa kanilang mga initiation.
Ibinahagi ni Gatchalian ang pinakahuling napabalitang hazing incident na naganap noong Marso, kung saan nasawi ang Grade 12 student na si Reymarc Rebutazo na taga Laguna.
Muli ring hinimok ni Gatchalian ang pamahalaan na maging mahigpit sa pagpapatupad ng Anti–Hazing Act of 2018 (Republic Act No. 11053) kugn saan isa ito sa mga may akda at nagsulong ng naturang batas.
Ipinagbabawal ng batas ang lahat ng anyo ng hazing sa mga fraternity, sorority, at mga organisasyon sa mga paaralan, kabilang ang citizens’ military training at citizens army training. Ipinagbabawal din ang ganitong mga gawain sa mga fraternity, sorority, at mga organisasyon na hindi naka-base sa mga paaralan, kabilang ang mga community-based organizations.
“Bagama’t meron na tayong batas laban sa hazing, marami pa rin tayong nababalitaang mga namamatay dahil sa hazing. Isang hamon ito sa ating pamahalaan na ipatupad ang batas nang may buong pwersa at lakas,” giit ni Gatchalian.
“Hindi na natin dapat pinahihintulutan ang ganitong uri ng karahasan laban sa ating mga kabataan at dapat nating tiyaking lahat ng mga sangkot ay mananagot sa batas,” dagdag ng senador.
Ayon pa sa Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, mandato sa mga paaralan sa ilalim ng batas ang pagsasagawa ng mas maigting na mga hakbang upang protektahan ang mga mag-aaral sa mga hazing activities.
Sa ilalim ng batas, reclusion perpetua at tatlong milyong pisong multa ang ipapataw sa mga nag-plano at nakilahok sa hazing kung nagdulot ito ng kamatayan, rape, sodomy, at mutilation.
