
Ni NERIO AGUAS
Naharang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang American sex offender nang tangkaing makapasok sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong araw ng Linggo, Mayo 1 .
Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang nasabing dayuhan na si Richard Vincent Boyd Rogers, 55-anyos, na naharang sa NAIA matapos dumating sakay ng United Airlines flight mula sa Guam.
Sinabi ni Morente na nakatanggap ito ng impormasyon na may isang US national na papasok sa Pilipinas na may kasong sex offense kung kaya’t agad na inabangan ng mga tauhan ng BI hanggang sa masabat.
“We received information about him, prompting our officers to deny his entry. After being excluded, his name has also been placed in our blacklist to ensure that he will not be able to return in the future,” sabi nito.
Agad namang pinasakay pabalik sa Guam ang nasabing dayuhan at agad na isinailalim sa blacklist order.
“He was excluded pursuant to Section 29(a)3 of the Philippine Immigration Act of 1940, for a crime involving moral turpitude,” sabi ni Morente.
“They are a threat to public safety. Our frontline officers at the ports are vigilant and will not waver in upholding the mandate of our bureau,” pagsisiguro nito.
