Pagpapatigil sa operasyon ng e-sabong dapat lang — solon

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Suportado ni Senador Christopher “Bong” Go ang naging desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na ipatigil ang online cockfighting o e-sabong operations sa bansa.

“Pinag-aaralan po ni Pangulong Duterte syempre kung ano ‘yung cost over benefit nito, ‘yun po ‘yung lumabas sa survey ng Department of the Interior and Local Governmen (DILG) at marami hong sumasang-ayon… dito rin po ang pinagbabasehan ng ating mahal na Pangulo,” sabi ni Go.

Naniniwala aniya ito na ang desisyon ng Pangulo ay makabubuti para sa interes ng mga Filipino at idinagdag pa nito na ang e-sabong operations ay nakasasama sa mga pamilya dahil sa dulot nitong social issues.

“Mas alam po ni Pangulong Duterte (na) ang kanyang desisyon ay desisyon po (para) sa kabutihan po ng nakararami. Kasi marami pong mga nalululong at lalung-lalo na po ‘yung mga pinaghirapan nilang pera. So gusto nga ng Pangulo na dalhin ninyo na lang po sa inyong mga pamilya ‘yung pera na inyong kinikita, huwag ninyo hong aksayahin sa sugal,” sabi pa ng senador.

Nang mausisa sa viral story ng isang ina mula sa Pasig City na nagbenta ng sanggol na anak nito sa halagang P45,000  dahil sa pagkakautang sa e-sabong, sinabi ni Go na ito ang isa sa naging basehan ng Pangulo.

“Isipin mo pati anak mo ibebenta mo para lang makapagsugal. Mahirap naman ‘yon. Tayo nga pinaghirapan natin ang anak natin, palakihin natin habang nasa tiyan ng nanay ‘yan, pinapalaki, pinapakain mo, pinagsisikapang mayroon kayong maipantustos para lumaki ‘yung anak mo. Ngayon ibebenta mo?” tanong ni Go.

“Mabigat ‘yung social issue ukol diyan. Kaya binabalanse po ng Pangulo ang epekto nito. Ibig kong sabihin ‘yung cause at magiging epekto po nito sa ating mga kababayan,” dagdag pa nito.

Sa kanyang Talk to the People address noong Mayo 2, sinabi ni Duterte na ang kinikita ng pamahalaan sa e-sabong activities ay hindi sapat sa idinudulot nitong masama sa mga Filipino.

Una nang inatasan ng Pangulo sa DILG na pag-aralang mabuti ang ulat na pagbebenta ng anak para lamang sa sabong.

Noong Abril 19 at Abril 20, nagsagawa ng survey ang DILG at lumabas na sa 8,400 katao, 62 porsiyento ang nais ng itigil na ang operasyon ng e-sabong.

“So ‘yun po siguro ang naging basehan ng ating Pangulo, ‘yung social issue rito sa bagay na ito. Kaya nga po ine-explain ng mahal na Pangulo na kumikita ‘yung gobyerno at kailangan niyan ng revenues… Ngunit, kung tatamaan naman dito ay ‘yung mga mahihirap, ‘yung mga bata na hindi naman dapat sumali at tumaya ay magkakaroon ho tayo ng social issue,” sabi ni Go.

Lalong ding naging maiinit ang usapin ng e-sabong operations dahil sa pagkawala ng mahigit 30 sabungero na hanggang ngayong ay hindi pa nakikita.

Bunsod nito kumilos ang mga senador at naglabas ng resolusyon sa inaatasan ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) na i-freeze ang e-sabong licenses haggang hindi nareresolba ang pagkawala ng mga sabungero.

Samantala, umapela rin si Go sa mga kapwa nito mambabatas na tingnan ang mga paraan para  ma-regulate ang kahalintulad na aktibidad upang masiguro na hindi ito magiging ugat ng pagkagulo ng lipunan.

“Tayo naman bilang mambabatas, pag-aralan ho nating mabuti. Busisiin ng mabuti kung papaano po ito, kung kailangan bang maisabatas. Kung maisabatas man natin ito ay tingnan natin ng mabuti kung paano ito i-regulate na hindi po madadamay o hindi puwedeng tumaya ‘yung mga bata,” sabi ni Go.

“Dahil traditionally naman po ang tumataya lang talaga nitong mga sugal ay ‘yung mga nasa legal age. Dapat po’y hindi malulong ang bata dito. Ang bata po ay dapat nakatutok sa pag-aaral hindi po sa pagsusugal,” dagdag nito.

Leave a comment