5 Korean fugitives arestado ng Bureau of Immigration

NI NERIO AGUAS

Limang Korean nationals na pawang wanted sa bansa ng mga ito ang naaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa magkahiwalay na lugar sa Pampanga at National Capital Region (NCR).

Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, isinagawa ng bureau’s fugitive search unit (FSU) ang mga operasyon ang mga nasabing dayuhan ay pawang mga undocumented at overstaying dahil na rin sa kinansela na ng Korean government ang pasaporte ng mga ito.

“They will all be deported for being undesirable aliens, aside from being included in our blacklist and banned from reentering the Philippines,” sabi ni Morente.

Kinilala ni BI-FSU Chief Rendel Ryan Sy ang mga naarestong Korean sa Clark Freeport sa Mabalacat, Pampanga na si Kang Ju Hwan, 39-anyos, na wanted ng Korean authorities at may arrest warrant ang Busan district court para sa ikadarakip nito kaugnay ng pag-o-operate ng illegal gambling sites sa Internet kung saan hindi nagbayad o nagbigay ng dividends base sa resulta ng laro.

Nabatid na si Kang at ang iba pang kasabwat nito ay nakatangay ng 900 million won mula sa mga biktima nito mula Pebrero hanggang Agosto 2019.

Samantala, sa hiwalay na operasyon ng FSU, nadakip sa Parañaque City si Paek Sanghun, 41-anyos, na wanted sa Korea kaugnay ng telecommunications fraud.

May arrest warrant na inilabas ang Suwon district court sa South Korea dahil sa pagkakasangkot sa voice phishing operations kung saan nakatangay ito ng mahigit sa kalahating milyong dolyar.

Naresto rin sa Batasan Hills, Quezon City ang dalawa pang Korean nationals na nakilalang sina Song Jongmin, 40-anyos, at Kim Kyungmo, 32-anyos, na pawang wanted dahil sa fraud.

Huli namang nadakip sa Timog Ave., Quezon City ang isa pang Korean national na si Yang Minseong, 32-anyos. sa bisa ng arrest warrants na inilabas ng South Korea dahil sa pagkakasangkot sa economic crimes at bilang miyembro ng criminal syndicate.

Tinukoy ng Korean authorities si Yang na isa sa lider ng ‘Kang Minho Pa’, na isang voice phishing syndicate na tumangay sa mahigit sa 1 Billion Korean won sa mga naging biktima nito.

Leave a comment