
NI NOEL ABUEL
Nagbabala si dating House Speaker Alan Peter Cayetano na maaaring bumalik ang operasyon ng e-sabong na pinahinto ni Pangulong Rodrigo Duterte noong unang bahagi ng linggo.
Sa isang panayam ng media, sinabi ni Cayetano na hinahayaan lamang ng mga e-sabong operators ang mga bagay-bagay na “palamig” bago subukang bumalik sa alinman sa pamamagitan ng Senado na mayroong higit na 11 araw ng sesyon pagkatapos ng halalan sa Mayo 9 o sa pamamagitan ng susunod na administrasyon.
“Sa totoo lang, magpapalamig lang ‘yan. Tapos sa Senado naman pupunta para sa franchise, o sa next administration,” sabi pa nito.
Hinimok ng dating Speaker ang mga faith-based at religious groups na ipagpatuloy ang pagtuturo laban sa online gambling at ang masasamang epekto nito, at sinabing hindi uunlad ang mga aktibidad kung walang tumatangkilik sa kanila.
“’Yun nga ang aking pakiusap sa lahat ng faith-based group, sa mga kapatid natin sa iba’t ibang religion: isama talaga sa pagtuturo ang evils ng online gaming (at) gambling para bumalik man ito ay wala nang tataya,” panawagan pa nito.
Sinabi rin nito na ang mga magulang at guro ay isang malaking sandata sa paglaban sa online na pagsusugal.
Ibinunyag ni Cayetano na ang mga prangkisa ng e-sabong ay minsan nang “inalok sa kanya noong siya ay House Speaker pa at binalaan pa na aalisin siya sa kanyang posisyon kapag tumanggi siyang maaprubahan ang mga ito.
“Tinanggihan ko, nilabanan natin. Kokonti lang ang talagang lumaban diyan,” sabi nito.
Sinabi ni Cayetano na minsan ay pakiramdam nito ay patuloy nitong pinag-uusapan ang tungkol sa e-sabong kahit na sinasabi ng ilang tao na huminto ito dahil may nagagalit.
Ngunit sinabi nito na ang desisyon ni Pangulong Duterte na wakasan ang e-sabong ay nagpatibay sa kanyang paninindigan na ito ay nakakasama sa mga tao at sa bansa.
“What the government earns from these online gambling operations pales in comparison to the losses the people incur in terms of gambling debt, crime, the breakup of families, and much much more,” ayon pa kay Cayetano.
Sinabi ni Cayetano na ang tagumpay ng paglaban sa e-sabong ay “isang aral sa ating lahat na manalangin at maging matiyaga.”
“Kung tuluy-tuloy ang pressure na ayaw natin ‘yan at mas gusto natin ng investments at trabaho, God willing po hindi na ito makakabalik,” sabi nito.
