
Ni NOEL ABUEL
Hinimok ni presidential frontrunner at dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. (BBM) ang mga botante na isipin sa pagboto ang pagkakaisa at kinabukasan ng bansa.
Ginawa ni Marcos ang pahayag sa dinagsang campaign rally sa Tagum City, Davao del Norte kasabay ng pagsasabing pinili nito si Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) at regional party Hugpong ng Pagbabago (HNP) chairperson Davao City Mayor Sara Duterte bilang vice presidential running mate at kanilang mga senatorial candidates sa ilalim ng UniTeam dahil pawang nagbabahagi ang mga ito ng pagnanais na makita ang mga tao na magsama-sama sa likod ng kanilang mga bagong halal na pinuno upang harapin nila ang mga hamon sa hinaharap nang ng may iisang pag-iisip.
Aniya, makabuluhan ang boto sa darating na Mayo 9, dahil ito ay mangyayari habang ang bansa ay nasa gitna ng dalawang krisis, ang pandemya dulot ng COVID-19 at ang kahirapan ng ekonomiya dahil sa krisis sa kalusugan.
“Nasa krisis pa tayo ng pandemya, nasa krisis pa tayo ng ekonomiya na dala ng pandemya. Ito po ay magiging napakamakabuluhan na halalan dahil sa Lunes, aalamin natin kung saan natin itutungo ang ating minamahal na bansang Pilipinas. Sa darating na Lunes, ang pagboto ninyo sa tambalang Marcos at Duterte at sa UniTeam ay tinig ng madlang Pilipino para sa kinabukasan, para sa pagkakaisa, para sa pagmamahal sa Pilipinas,” sabi ni Marcos sa ginanap na UniTeam miting de avance kahapon.
“Kayat napakahalaga po ng inyong boto, napakahalaga na kayoy pumunta sa ating mga presinto at sama-sama tayo na bumoto. Ito ay napakahalaga, ito ang ating responsibilidad para tulungan ang ating bansa, para ipagpatuloy ang kilusan ng pagkakaisa para sa mamamayang Pilipino para sa ating minamahal na Pilipinas,” dagdag pa nito.
Nangako si Marcos na gagawin lahat nito at ni Duterte at ng UniTeam senators ang lahat upang tuparin ang kanilang mga pangako, sakaling makuha nila ang mandato ng taumbayan.
“Ang tambalang Marcos-Duterte kami ay nangangako, na kami ay gagawin namin sa aming kakayahan, buong sipag na walang pagod at patuloy na pagtrabaho para sa ating bansa upang sama sama po tayong babangon muli,” sabi ni Marcos.
