Uniteam nagpasalamat sa suporta ng kooperatiba 

Davao City Mayor Sara Duterte

NI NOEL ABUEL

Nagpasalamat si Vice presidential candidate at Davao City Mayor Sara Duterte sa suporta ng National Coalition of Cooperatives in the Philippines sa tambalang BBM-Sara tandem.

“Lubos po akong nagpapasalamat sa suporta ng National Coalition of Cooperatives in the Philippines sa aking kandidatura pagka-bise presidente at sa pagka-presidente ni Bongbong Marcos,” sa kalatas ni Duterte.

Aniya, ang pag-endorso ng nasabing grupo ay malaking tulong upang makamit ng Uniteam ang mithiing mapag-isa ang mga Filipino.

“Ang pag-endorso ng grupo sa pamamagitan ng chairperson nito na si Freddie Hernandez ay malaking tulong para makamit ng UniTeam ang aming mga mithiin para sa mga Pilipino at sa Pilipinas,” aniya pa.

“Ang ating mga kooperatiba ay kasama ng ating pamahalaan sa pagbibigay ng oportunidad sa mga komunidad sa pamamagitan ng pagpapalakas ng ating mga micro, small, and medium enterprises o MSMEs na isa sa mga haligi ng ating ekonomiya,” dagdag nito.

Itinataguyod aniya ng mga kooperatiba ng manggagawa ang collaborative entrepreneurship at paglago ng ekonomiya at binabasawasan nito ang mga indibidwal na panganib dala ng pakikipagsapalaran sa negosyo.

Direkta ring sinasagot ng mga kooperatiba ang mga pangangailangan ng komunidad na angkop sa mga lokal na pangangailangan.

“Higit sa lahat, mahalaga ang tulong ng mga kooperatiba sa pagbuo ng mapayapang lipunan. Sa proseso ng pagbabago ng mga komunidad tungo sa masiglang ekonomiya, kayo ay nag-aambag sa pagpapaunlad ng kasanayan at edukasyon, pinalalakas nila ang pagkakapantay-pantay ng kasarian at pinapabuti ang kalusugan at pamumuhay ng buong komunidad” paliwanag pa ni Duterte.

“Asahan po ninyo na mas pagtitibayin pa natin ang mga batas at mga programa na magpapalakas sa inyong mga kooperatiba upang mas marami pa tayong buhay na maiangat sa kahirapan,” aniya pa.

“Pagsusumikapan po ng UniTeam na ang inyong suporta at pagtitiwala ay masuklian ng taus-pusong paglilingkod at serbisyo sa ating bayan,” pagtatapos pa ni Duterte.

Leave a comment