Cayetano kay Pangulong Duterte: Sulitin ang 8-linggo sa administrasyon

Ni NOEL ABUEL

Umaasa si dating House Speaker Alan Peter Cayetano na ipagpapatuloy ni Pangulong Rodrigo Duterte ang natitirang 8-linggo ng kanyang administrasyon sa paggawa ng kabutihan sa pamahalaan sa pamamagitan ng paglaban sa mga itinuturing na ‘demonyo’ sa pamahalaan.

“Sinabi ko sa kanya I really I believe itong ‘last two minutes’ marami pa siyang kabutihang magagawa sa gobyerno,” sabi ni Cayetano na inalala ang pagkikipag-usap nito kay Duterte nang sorpresang dumalo sa kanyang concert rally sa Taguig City noong nakalipas na Mayo 1.

Tinukoy nito ang naging utos ng Pangulo na ipatigil ang lahat ng online sabong operations sa bansa simula Mayo 3 gayundin ang kanyang maingat na pagsusuri sa panukalang Vape Bill alinsunod sa babala ng Department of Health (DOH), ng mga medical groups, at ng iba pang mambabatas.

Hinimok din ni Cayetano si Duterte na ipagpatuloy ang paglilingkod sa bansa pagkatapos ng kanyang termino bilang elder statesman na kahalintulad ni dating Pangulong Fidel V. Ramos.

“We need elder statesman na magbibigay ng advice sa susunod na pangulo, at ‘yung susuporta din sa gobyerno,” sabi ni Cayetano.

Samantala, umapela rin ang dating Speaker sa mga botante na maging matalino sa pagpili ng susunod na lider ng bansa bukas, Mayo 9, 2022.

“Never, never nating isipin na isa lang ang boto natin [and] it’s not important. It’s always important,” aniya pa.

Sinabi pa ni Cayetano na madali nang mahanap ang tungkol  sa mga kandidato sa pamamagitan ng social media at ng public affairs shows at suriin ang katotohanan sa impormasyong kanilang natatanggap.

 “Madali naman natin i-Google kung ano ‘yung totoo at hindi, ano ‘yung scientific, at ano ‘yung factual. Minsan ‘yung sarcasm lang ay mukhang totoo eh,” giit nito.

Tanging ang panalangin sa Panginoon aniya ang dapat na sandalan ng mga botante para sa kabutihan ng bansa.

“Diyos lang po may alam ng circumstances ng lahat – ng kandidato, ng bansa, who’s best for the country. Kung tama ginagawa niya, suportahan; kung mali, magbigay ng alternatives,” paliwanag nito.

Si Cayetano, na muling nagbabalik sa Senado ang tanging kandidato na faith-based at values-oriented platform at eco-friendly campaign.

Leave a comment