Win or lose, Sara Duterte magpapasalamat sa mga supporters

NI NOEL ABUEL

Nakatakdang makipagpulong sa mga support groups ng Uniteam sa Mayo 10-13 si vice presidential frontrunner Sara Duterte para personal na iparating ang kanyang pasasalamat sa walang patid na pagsisikap na ipinaabot sa buong kampanya manalo man siya o matalo sa halalan.

“Tomorrow po magsisimula na po ‘yung pasasalamat sa mga tumulong so pupunta po ako ng Manila. And then we have scheduled per group na meeting — it’s basically me personally saying thank you sa kanila,” sabi ni Duterte matapos bumoto sa Daniel R. Aguinaldo National High School ngayong umaga.

Kabilang sa apat na araw na ilalaan aniya nito ang pasasalamat sa LAKAS-Christian Muslim Democrats (LAKAS-CMD) headquarters sa Mandaluyong.

“Unang-una po pupunta kami sa headquarters para magpasalamat sa mga tao doon dahil for the past 90 days as well, merong mga support groups na nagtatrabaho sa LAKAS headquarters, so kailangan ko pumunta doon and personal na magpasalamat sa sakripisyo nila,” paliwanag ni Duterte.

Magsasagawa rin aniya ng online thanksgiving sa Mayo 13, ganap na alas-9:00 ng umaga hanggang alas-12:00 ng tanghali sa pamamagitan ng Mayor Inday Sara Duterte official Facebook page.

Isa sa 90-araw na campaign highlights ni Duterte ay ang Mahalin Natin ang Pilipinas Ride (MNPR), kung saan sinimulan nito ang isang buwanang country loop caravan para mangampanya para sa pagkakaisa, kapayapaan, at pagiging makabayan.

Naging eye-opener umano ang ride dahil nasuri nito ang mga sitwasyon sa katutubo, lokal na pag-unlad, at kalagayan ng pamumuhay ng mga Pilipino sa kanayunan.

Dagdag pa ni Duterte, nagtakda sila ng gift giving activity para sa mga Dabawenyo pagkatapos ng kanilang pasasalamat sa Maynila.

“Meron tayong scheduled na pasasalamat — actually gift giving for Davao City. And whether manalo or matalo, naka-schedule na ‘yung gift giving natin sa mga depressed areas and less fortunate natin na mga constituents dito sa Davao City,” sabi nito.

Ang pagbibigay ng regalo ay pagbibigay umano ng pagbibigay-pugay sa mga lokal na pinuno na tumulong sa panahon ng kampanya.

“There will also be a thanksgiving for leaders sa Davao City. Inaantay lang po namin kung sino ang mananalo sa Congress and sa party list since we already discussed that,” aniya pa.

Inihanda para sa anumang resulta ng halalan, sinabi ni Duterte na nais nilang makipag-alyansa sa mga nanalong kandidato sa Davao City upang matiyak ang patuloy na paglago at pag-unlad.

“Immediately, after the proclamation of local candidates, we’ll have an alliance formed sa lahat ng mga kandidato sa Davao City so that for the next 3 years, magtutulungan ang lahat ng mananalo para po ma-maximize natin ang fundings and projects para po sa Davao City,” dagdag pa nito.

Leave a comment