Indian kalaboso sa ‘5-6’ business

Ni NERIO AGUAS

Dinakip ng mga ahente ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Indian national na sangkot sa illegal na money-lending business sa lalawigan ng Cavite.

 Kinilala ni BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan, Jr. ang naaretong dayuhan na si Bahg Singh, 48-anyos, na nadakip ng mga operatiba ng BI Intelligence Division Regional Intelligence Operation Unit IV-A and IV-B noong nakalipas ng araw ng Biyernes sa Brgy. Inchican sa Silang, Cavite.

Ayon kay Manahan, si Singh ay inaresto sa bisa ng mission order na inilabas ni BI Commissioner Jaime Morente, matapos makatanggap ng reklamo hinggil sa illegal na aktibidades nito.

Sinasabing nagpapatakbo ng ‘5-6’ lending business ang dayuhan maliban pa sa palagi itong lango sa alak at madalas na nagwawala.

At sa isinagawang operasyon laban dito, naaktuhan si Singh na nangongolekta ng pera sa isang may-ari ng tindahan kung saan nang arestuhin at hanapan ng kaukulang dokumento ay napatunayang walang itong kaukulang visa at natuklasang undocumented at illegal alien ito maliban pa sa pagiging overstaying sa bansa.

Nanawagan si Morente sa publiko na isumbong ang mga dayuhan na sangkot sa illegal activities sa BI. 

“Reporting illegal aliens in your area would allow our intelligence agents to initiate an investigation against them.  We remain relentless in our drive to deport foreign nationals who blatantly disregard our laws,” sabi pa ng BI chief.

Kasalukuyang nakakulong sa BI facility sa Bicutan, Taguig ang dayuhan habang inihahanda ang resolusyon para sa pagpapatapon dito pabalik ng India.

Leave a comment