
NI NOEL ABUEL
Tahasang kinondena ni Senador Christopher “Bong” Go ang nangyaring kaguluhan sa mismong araw ng eleksyon sa ilang bahagi ng bansa na ikinasawi ng tatlo katao sa lalawigan ng Maguindanao.
Ayon kay Go, kailangang kumilos ang Commission on Elections (Comelec), ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines, at iba pang law enforcement agency para imbestigahan ang nasabing madugong pangyayari sa Buluan, Maguindanao.
“Trabaho naman ng COMELEC ‘yan and of course, the Armed Forces of the Philippines and PNP na sana po’y maiwasan itong mga pangyayaring ganito – may namamatay, may nagbubuwis ng buhay dahil sa eleksyon,” sabi ni Go.
“Trabaho po ng kapulisan ‘yan, imbestigahan n’yo na kaagad. Bigyan n’yo po ng hustisya. At sana po’y hindi maulit ‘yung mga gano’ng karahasan. Kawawa naman ‘yung mga ordinaryong mga Pilipino. Kadalasan ang mga nagiging biktimang namamatay ‘yung mga nasa baba, hindi naman ‘yung mga nasa taas. Kawawa po ‘yung mga kababayan natin,” paliwanag pa nito.
Samantala, muling umapela si Go sa publiko na igalang ang lumabas na resulta ng eleksyon lalo na at nauna nang hinikayat nito ang mga botante na pumili ng matalino upang matiyak ang pagpapatuloy ng pagsisikap ng Duterte administration na malamapasan ang pandemya.
At sa pagtatapos aniya ng termino ni Pangulong Rodrigo Duterte, tiniyal ni Go sa mga Filipino na ipagpapatuloy nito ang pagsisikap ng kasalukuyang administrasyon na magbigay ng ligtas at komportableng buhay para sa lahat.
“Ako naman po bilang inyong senador, susuportahan ko ‘yung magagandang programa na makakatulong sa mga mahihirap – tulad ng mga nawalan ng trabaho, ‘yung apektado talaga sa pandemyang ito…. Iyon po ang dapat unahing i-address ng incoming administration,” sabi ng senador.
“At yung mga magagandang programa naman tulad ng Build Build Build, tulong sa mga mahihirap, at pati na rin ang Malasakit program… ipagpatuloy n’yo lang po. Iyon lang naman ang inaasam namin ni Pangulong Duterte, ipagpatuloy ninyo ‘yung magagandang programa to make life safer and more comfortable para sa mga Pilipino,” dagdag nito.
