
Ni NOEL ABUEL
Nagpasalamat si vice presidential frontrunner Sara Duterte sa mga Filipino sa pagtanggap ng mensahe UniTeam ng pagkakaisa kasunod ng pagtatapos ng eleksyon.
Sa inilabas na kalatas ni Duterte, na ngayon ay mayroon nang mahigit sa 31 milyong boto at malayo na sa mga kapwa nito kandidato, pinasalamatan nito ang lahat ng tagasuporta na nagpumilit dito na tumakbo sa vice presidency.
“Maraming salamat sa naniwala at nagtiwala sa aking desisyon sa tumakbong Bise-Presidente. We shall continue to guard our votes until we have reached the proclamation,” sabi pa ni Duterte.
Iginiit din nito na ang UniTeam ang naging sandigan para magkaisa ang bansa mula sa pagkakawatak-watak.
“Maraming salamat sa pagtanggap ninyo ng kilusan ng pagkakaisa na handog ni Bongbong Marcos. Ang UniTeam ay magiging simbolo ng mga magigiting, masisipag, at nagkakaisang Pilipino,” sabi nito.
Sa pinakahuling ulat, nakapagtala na si Duterte ng 31,202,591 boto mula sa natanggap ng Commission on Elections (Comelec) na 97.14 percent ng election returns.
Sinabi pa ni Duterte sa publiko na magtulungan para makabawi mula sa epekto ng pandemya na pumilay sa ekonomiya ng bansa.
“Sa pagmamahal natin sa bayan ay nanawagan ako sa lahat na magpa-booster shot ng COVID-19 (vaccine) para tuloy na ang paghina ng virus at malampasan na natin ang pandemya at ang mga hamon na dala nito sa ating buhay,” apela pa ni Duterte.
Nasa Maynia na ngayon si Duterte para magpasalamat sa UniTeam slate, headquarters employees at staff, gayundin ng mga volunteer support groups.
