Cayetano: Ako ay para sa kooperasyon

Ni NOEL ABUEL

“The spirit of unity is not conformity.”

Ito ang pahayag ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano kung paano nito nakikita ang kanyang sarili na nagtatrabaho sa susunod na administrasyon.

Sinabi ni Cayetano habang ito ay para sa kooperasyon at pagkakaisa lalo na pagkatapos ng panahon ng kampanya, hindi aniya ito nangangahulugan na dapat sundin ang lahat ng nais ng paparating na bagong administrasyon.

“Ibig sabihin, mulat dapat tayo sa lahat ng ating papasukin. Dapat open ang lahat sa suggestions,” sabi nito.

Sinabi ng dating Speaker na kung papalaring bumalik sa Senado, makikipagtulungan ito sa susunod na pangulo kung ito ay para sa kabutihan ng mga Pilipino ngunit hindi mag-atubiling magsalita kung nakikita niya ang mali.

“I was in the same situation in 2010… Naging Minority Leader ako. Pero ‘pag tama (ang ruling party) sinuportahan ko, ‘pag mali I didn’t just criticize, I gave alternatives,” giit nito. 

Si Cayetano, na kasalukuyang nasa ikapitong puwesto sa senatorial race, ay nagsabi na plano nitong gawin ang parehong papel sa kanyang pagbabalik sa Senado.

“Wherever I’m needed, I’ll help. ‘Pag tama, either I’ll be quiet or I’ll help. Pero kapag may mali, maaasahan ng ating mga kababayan na tututol ako,” pahayag pa ni Cayetano.

Binanggit ni Cayetano ang kanyang malakas na pagsalungat sa e-sabong na may suporta sa karamihan ng mga miyembro ng Kongreso at kung saan si Pangulong Rodrigo Duterte, na sinusuportahan nito, ay hindi ipinagbawal.

“Consciously kahit marami sa inyo na kaibigan ko sa media sinasabing tigilan ko nang magsalita about e-sabong dahil bilyun-bilyon ang nandiyan at mangangampanya against me, may mga nagsabi rin na magsalita ako in favor of sinong malalakas na kandidato,” aniya.

Inihalimbawa pa ni Cayetano si Lee Kuan Yew, isang statesman na nagsilbi bilang punong ministro ng Singapore sa pagitan ng 1959 at 1990, bilang isang halimbawa ng pagtatrabaho sa iba’t ibang mga lider ngunit hindi pinahihintulutan ang pagkakamali kahit ang kanyang mga kaibigan.

“He was in a coalition, ‘yung iba d’un revolutionary, ‘yung iba d’on best friend n’ya pero nangurap, kinulong niya,” ayon pa dito.

“So kung ganoon ang takbo, they’ll have a supporter in me. Pero kung ang takbo ay paatras or pasama, they will not,” dagdag nito. 

Leave a comment