Igalang ang resulta ng eleksyon – Sen. Go           

Ni NOEL ABUEL

Nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go na igalang ang ilalabas na resulta ng eleksyon at maging ang susunod na lider ng bansa para na rin sa ikabubuti ng bansa.

“Tapos na po ang halalan. Nagdesisyon na ang ating mga kababayan. Igalang po natin ang naging resulta dahil iyon naman ang nararapat, na sa demokrasya at sa ganitong pagpapasya ng taumbayan ay ang boses ng higit na nakararami ang dapat manaig,” sabi ni Go.

“Hindi naman maiiwasan na may mananalo at matatalo talaga. Kung nagkaroon man tayo ng kanya-kanyang sinuportahan noong panahon ng kampanya hanggang sa bumoto tayo, iisantabi na natin iyon. Ito na ang panahon para sa tunay na pagkakaisa. Magsama-sama tayo dahil ang ikabubuti ng ating bansa ay nasa mga kamay nating lahat at hindi lamang sa mga inihalal natin,” dagdag pa nito.

Iginiit pa ni Go ang kahalagahan ng pagkakaroon ng pinuno na magpapatuloy sa programa at reporma na sinimulan ni Pangulong Rodrigo Duterte na napatunayang pinakikinabangan ngayon ng mamamayang Filipino.

“This election is not only about choosing who will lead us in the next few years but also about continuing the positive changes that were brought by the current administration led by President Rodrigo Duterte,” aniya.

Tiniyak din ni Go na gagabayan ng Duterte administration ang susunod na pangulo ng bansa sa proseso para matiyak ang maayos na paglilipat ng kapangyarihan kapalit ni PRRD.

“Titiyakin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang maayos na transition at pagsasalin ng mandatong mamuno sa susunod na mga taon. Kung sino man ang bagong mauupo sa Palasyo, hindi siya mahihirapan sa kanyang mga unang araw dahil maayos ang sistema na kanyang daratnan,” sabi nito.

“Sisiguraduhin rin ng administrasyong Duterte na hindi maaantala ang pagkakaloob ng mga serbisyo sa ating mga kababayan—lalung-lalo na sa mga pinakamahihirap at walang ibang malalapitan. Tandaan natin na nasa panahon pa tayo ng pandemya kung kaya’t hindi dapat masayang ang oras sa paglilingkod sa tao kahit sinuman ang nakaupo. Unahin natin palagi ang interes ng ating mga kababayang umaasa sa tulong ng kanilang gobyerno,” dagdag pa nito.

Leave a comment