
NI NERIO AGUAS
Inihayag ng Commission on Elections (Comelec) na posibleng sa susunod na linggo ay maipoproklama na ang mga nanalong senador sa May 9, 2022 elections.
Ayon kay Atty. Rex Laudiangco, tagapagsalita ng Comelec, mas maaga ang magiging proklamasyon sa mga nanalong senador kung ikukumpara sa mga party-list groups.
Ito ay dahil may formula aniya sa pag-compute sa total votes na makukuha ng bawat party-list, alinsunod sa Party-list Act.
Nasasaad anila sa batas, 63 seats ang nakalaan sa Kongreso para sa party-list groups.
Sinabi pa ng Comelec na magiging proportionate ang pamamahagi ng seats para sa party-list groups.
Samantala, nilinaw naman ng poll body na magiging limitado lamang ang papayagan nilang maaaring isama ng mga ipoproklamang senador upang matiyak na masusunod ang minimum public health protocols.
Sa kasalukuyan, nananatiling nasa unahan ng nanalong senador sina Robin Padilla na sinundan nina Rep. Loren Legarda, TV host Raffy Tulfo, dating DPWH Sec. Mark Villar, Senador Sherwin Gatchalian, Chiz Escudero, Rep. Alan Peter Cayetano, Senador Joel Villanueva, Senador Risa Hontiveros, dating Senador JV Ejercito.
