Pamumuno ni VP Sara sa DepEd makatutulong sa pagreporma ng edukasyon—Sen. Gatchalian

NI NOEL ABUEL

Suportado ni Senador Win Gatchalian ang desisyon ni incoming President Ferdinand Marcos, Jr. na hiranging Department of Education (DepEd) secretary si incoming Vice President Sara Duterte-Carpio.

Naniniwala si Gatchalian na makatutulong ang political capital ng alkalde ng Davao City upang isulong at ipatupad ang mga kinakailangang reporma sa sektor ng edukasyon, kabilang ang pagrepaso sa programang K to 12.

Ayon sa chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, kinakailangang tugunan ang krisis sa edukasyon, lalo na’t hindi naging maganda ang performance ng mga mag-aaral sa bansa sa mga international assessments tulad ng 2018 Programme for International Student Assessment.

Binigyang diin pa ni Gatchalian na maraming Pilipino ang hindi umano kuntento  sa programang K-12.

Aniya, sa isang survey ng Pulse Asia noong December 2019, lumalabas na 38% ng mga Pilipino ang kuntento sa programa, samantalang 47% ang hindi kuntento sa programa.

Sa mga hindi kuntento sa programa, 78% ang nagsasabing dulot ng programa ang dagdag na gastos sa edukasyon, transportasyon, at pagkain.

“Nakatanggap siya ng mahigit 60 percent ng mga boto. Malaki ito pagdating sa political capital. Ang political capital na ito ay maaaring gamitin upang ireporma ang ating sektor ng edukasyon,” ani Gatchalian.

“Hindi na maaari ang business as usual sa susunod na anim na taon. Kailangan natin ng pinunong magrereporma sa ating mga proseso at sistema sa sektor ng edukasyon, kaya naman irerekomenda ko siya sa Department of Education,” dagdag nito.

Ang pag-angat sa kalidad ng edukasyon ang naging plataporma ni Gatchalian sa panahon ng kampanya at nanindigan na titiyakin ang pagpapatupad sa mga reporma tulad ng Excellence in Teacher Education Act (Republic Act No. 11713) na kanyang isinulong.

Si Gatchalian din ang nag-sponsor ng panukalang Second Congressional Commission on Education (EDCOM) II na  layong magkaroon ng komprehensibong pagsusuri at pagrepaso sa performance ng sektor ng edukasyon sa bansa, kabilang ang pagsunod ng DepEd, CHED, at ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa kanilang mandato sa ilalim ng batas.

Leave a comment