American pedophile arestado ng BI

NI NERIO AGUAS

Arestado ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang American pedophile na wanted sa bansa nito at nagtatago sa Pilipinas.

Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang nadakip na dayuhan na si  Bradley John Moore, 49-anyos, na nadakip ng mga tauhan ng fugitive search unit (FSU) sa Dapitan City, Zamboanga del Norte.

Nabatid na isinagawa ang operasyon sa bisa ng mission order na inilabas ni Morente matapos humingi ng tulong ang US authorities sa Manila para sa ikadarakip ni Moore dahil sa nahaharap ito sa kasong aggravated sexual assault sa isang bata at tatlong counts ng indecency at nagkaroon ng sexual contact sa isang bata.

“We will send him back to the US immediately for him to face his crimes, after which he will be placed in our blacklist and banned from re-entering the country,” sabi ni Morente.

Ayon kay BI-FSU acting chief Rendel Ryan Sy, ang nasabing dayuhan ay overstaying alien base na rin sa record ng BI kung saan dumating ito sa bansa noong Disyembre  6, 2020 at mula noon ay hindi na umalis ng Pilipinas kung kaya’t kinansela na ng US ang pasaporte nito.

Sinabi pa ni Sy na si Moore ay wanted at may kaso sa district court sa McKinney, Texas na naglabas ng warrant para sa pagkakadakip nito.

Kasalukuyang nakadetine si Moore sa Dapitan City police station habang inihahanda ang pag-transfer nito sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City.

Leave a comment