
Ni NOEL ABUEL
Ginugunita ngayong Mayo 13 ang pagpanaw ng isa sa mga itinuturing na haligi sa larangan ng lehislasyon na si dating Senate President Edgardo Javier Angara na nakilala ng lahat bilang isang dekalidad na abogado at educator.
Isinilang noong ika-24 ng Setyembre taong 1934 sa Baler, Aurora, si Ed Angara ay nagtapos ng abogasya sa Unibersidad ng Pilipinas noong 1958.
Nagsimula ang karera nito sa pulitika nang mahalal sa lalawigan ng Quezon bilang pinakabatang delegado sa 1971 Constitutional Convention.
Taong 1972 naman nang kanyang itatag sa tulong ng kanyang law classmates ang ngayo’y pamosong law firm, ang ACCRA Law Offices.
Noong 1975 hanggang 1976, nagsilbi siyang pangulo ng Philippine Bar Association at naging pangulo rin ng Integrated Bar of the Philippines mula 1979 hanggang 1981. Matapos ito, pinamunuan din ni Senador Angara ang UP mula 1981 hanggang 1987.
Hindi maitatanggi ang kapuri-puring husay ni Senador Angara sa pamumuno, patunay ang pagkakatalaga bilang founding president ng Association of Southeast Asian Nations Law Association noong 1980.
Ang ASEAN Law Association ang isa sa pinakamalaking regional law associations sa buong daigdig.
Taong 1987 matapos ang himagsikan ng EDSA noong 1986, nahalal ito sa kauna-unahang pagkakataon bilang senador at nagsilbi sa Mataas na Kapulungan sa loob ng 24 taon. Ito ay matapos siyang mahalal sa apat na magkakasunod na termino.
Sa loob ng mga panahong ito, masigasig na isinulong at ipinaglaban ni Senador Angara ang mahahalagang lehislasyon na napakikinabangan na ngayon ng mga Pilipino tulad ng Free High School Act, ang mga batas na nagtatag sa Commission on Higher Education (CHED), sa Technical Education and Skill Development Authority (TESDA), sa PhilHealth, sa Senior Citizens Act, Agriculture and Fisheries Modernization Act, Renewable Energy Act, ang Procurement Reform Act at ang pinakamalaking scholarship program ng gobyerno, ang Government Assistance to Students and Teachers in Private Education o GASTPE.
Maliban sa pagiging senador, dalawang mahahalagang papel din ang ginampanan ni Senador Angara sa Ehekutibo sa ilalim ng administrasyong Estrada — bilang Agriculture Secretary mula 1999 hanggang 2001 at kalaunan ay Executive Secretary hanggang ma-impeach si Pangulong Estrada, Enero ng naturang taon.
Taong 2005, nahalal bilang charter president ng South East Asian Parliamentarians Against Corruption ang senador, matapos nitong pangunahan ang pagbuo rito. Ito ay bilang pagpapalakas sa isinusulong niyang pakikipaglaban sa anumang uri ng korapsyon.
Hanggang sa mga huling taon bago ang kanyang pagpanaw, tuloy ang pagsisilbi sa bayan ni Senador Angara, bagaman wala na siya sa Senado.
Sa ilalim ng administrasyong Duterte, itinalaga siyang Special Envoy to the European Union noong Mayo 17, 2017 at nanatili sa posisyong ito hanggang sa kanyang pagpanaw sa edad na 83 noong Mayo 13, 2018.
