
NI NOEL ABUEL
Umapela si presumptive Vice President at Davao City Mayor Sara Duterte sa mga kandidato at mga followers nito na isantabi na ang nakalipas na eleksyon at simulan na ang pagkakaisa.
Sinabi ni Duterte, Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) at regional party Hugpong ng Pagbabago (HNP) chairperson, nanawagan ang UniTeam ng pagkakaisa habang naghahanda na ang mga nanalong kandidato na magserbisyo sa taumbayan.
“Noong kampanya, sinabi ko na pagkatapos ng eleksyon ay kailangan nating kalimutan ang mga kulay na naging palatandaan ng ating pulitika. Ang mga kulay na ito ay naging mukha ng mainit na away ng mga supporter,” sabi ni Duterte sa ginanap na online thanksgiving meeting.
“At dahil tapos na ang kampanya at eleksyon, panahon na para kalimutan ang mga kulay ng pagkakahiwa-hiwalay. Tapusin na natin ang pamumulitika. Dapat lamang na ang lahat ng mga nahalal sa pwesto ay manguna sa pagsiguro na lahat ng mga Pilipino — supporters man o hindi — ay mabigyan ng tamang serbisyo,” dagdag nito.
Nabatid na base sa pinakahuling election results, nananatili si Duterte at running mate nitong si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa pangunguna sa pamamagitan ng landslide victory.
Si Marcos na nakakuha na ng mahigit sa 31.1 milyong boto, ay malayo sa 14.8 milyong boto ni Vice President Leni Robredo.
Habang si Duterte ay mayroong 35.5 milyong boto laban kay Senate President Vicente Sotto lll na nakakuha ng 9.2 milyong boto.
Umapela rin si Duterte sa mga supporters ng UniTeam na simulan nang makipagkasundo sa mga talunang kandidato para isulong ang pagkakaisa.
“Tayo na po ang mauna na lumapit sa mga nakatunggali na supporters ng mga natalong kandidato. Tayo na po ang magpakumbaba dahil tayo ang ang panalo. Tayo ang Sana all, tayo ang Sara All. We have to be magnanimous because we are only 31.5 million (voters). Kailangan natin sila para tayo ay maging isang 100 percent na bansa,” sabi nito.
Hindi rin nakalimutan ni Duterte na magpasalamat sa mahigit sa 31 milyong Filipinos kabilang ang mga overseas Filipino workers (OFWs) na nagtiwala at bumoto sa UniTeam ng Marcos-Duterte.
“Kayo ang panalo dito. Ako – ako ang inyong kandidato. Ang inyong instrumento. Kayo ang nagdala sa akin sa puntong ito ng aking karera sa politika at pagsisilbi sa taumbayan at sa ating bayan. Dahil sa inyo, nandito ako,” paliwanag nito.
“Ang lampas 31 million na boto na nakuha ko bilang kandidato sa pagka-bise presidente, ang pagkapanalo ko, ang pagkapanalo ninyo sa halalan, ay isang patunay na sa pagtutulungan, sa pagkakaisa, at magtatagumpay tayo. Kami sa UniTeam ni Bongbong Marcos at Sara Duterte ay hindi bibitaw sa panawagan ng pagkakaisa,” sabi pa ni Duterte.
Hilng pa nito sa mga tagasuporta na patuloy na maniwala sa Marcos-Duterte hanggang sa maproklama ang mga ito at simulan na ang mandato at tuparin ang mga binitawang pangako sa taumbayan noong panahon ng kampanya.
“Ang Uniteam ni Bongbong Marcos at Sara Duterte ay patuloy na sasandal sa mga Pilipino na bomoto sa amin noong May 9. Sasandal kami sa inyo para magawa namin ang aming trabaho — ang aming mga pangako, mga plano, mga pangarap — hindi lamang para sa inyo na nagluklok sa amin sa pwesto kundi sa lahat ng mga Pilipino,” aniya pa. “Mas higit na kailangan ni Bongbong Marcos ang ating suporta ngayon bilang bagong Pangulo ng Pilipinas — para magawa niya ang kanyang mandato,” dagdag nito.
