
Ni KAREN SAN MIGUEL
Pinawi ni infectious disease expert Dr. Edsel Salvaña ang pangamba na may indikasyon na ng local transmission ng Omicron subvariant na BA.2.12.1 sa Pilipinas.
Ayon dito, bagama’t posible umanong lalo na lumalabas sa kasalukuyang mga datos na ang COVID-19 Omicron subvariant BA.2.12.1 ay 20% na mas nakakahawa kumpara sa BA.2.
“Sa ngayon walang indication ‘yan kasi — I mean it’s possible lalo na ang bilis manghawa ng Omicron,” sabi ni Dr. Edsel Salvana sa Laging Handa briefing.
Paliwanag ni Salvana, kadalasan aniya para masabing may local transmission partikular na ang tinatawag na sustained local transmission, tinitingnan aniya ang transmission chains at sinusuri kung kayang itong ma-trace.
“But usually para masabi namin na meron nang local transmission, lalo na ‘yung tinatawag na sustained local transmission, tinitignan natin ‘yung transmission chains niyan at makikita natin kung matre-trace ba natin,” dagdag nito.
Pero mas mabuti aniya na ngayon pa lamang ay ituring nang nasa komunidad ang variant upang ipagpatuloy ang pag-iingat ng lahat.
Maaalala kamakailan, iniulat ng DOH na na-detect na sa Palawan ang BA.2.12.1 kung saan may 12 kaso na dito habang dalawang kaso naman ang inaalam ng mga awtoridad sa Metro Manila.
“Sa ngayon pinag-aaralan pa po ‘yan, but it’s always safer to assume na nandiyan na ‘yan kaya kinakailangan po patuloy ‘yung pag-iingat natin,” he said.
Sa pinakahuling datos, nakapagtala ng pinakamababang kaso ng COVID-19 active cases count na nasa 2,908 na may karagdagang 210 bagong kaso.
