
NI NOEL ABUEL
Nagpahayag ng pagkabahala si Senador Win Gatchalian sa magiging lagay ng suplay ng enerhiya sa bansa matapos maiulat ang planong pagbebenta ng negosyanteng si Dennis Uy ng Udenna Corporation ng kanyang controlling stake sa Malampaya deep water gas-to-power project.
“Mapapaso ang service contract ng Malampaya sa 2024, mauubos ang natitirang reserba ng natural gas dito pagdating ng 2027, at ngayon ay posibleng ibenta ang participating interests dito ng Udenna. Walang kasiguruhan ang hinaharap natin. Babalik ba tayo uli sa pagkakaroon ng rotational brownouts?” tanong ni Gatchalian.
“Sa simula pa lang ay iniimbestigahan na namin sa Senado ang kawalan ng kakayahan ng mga subsidiary ng Udenna na nakakuha ng 45% ng stake ng Chevron Philippines, Ltd. at 45% stake ng Shell Philippines Exploration B.V. (SPEX),” sabi ng senador, tungkol sa kanyang babala noon pa man ng pagpasok sa operasyon ng Malampaya ng Udenna Corp. dahil sa mga ulat na baon ito sa utang at walang teknikal na kapasidad.
Una nito, naudlot ang pagbili ng Udenna sa stake ng Shell matapos harangin noong Disyembre ng nakaraang taon ng Philippine National Oil Company-Exploration Corp. (PNOC-EC), na nagmamay-ari ng 10 porsiyento ng shares ng Malampaya, ang transaksyon.
Itinuturing na napakahalang energy asset ang Malampaya dahil umaasa dito ng suplay ang mga planta ng kuryente na nagseserbisyo sa apat at kalahating milyong tahanan at negosyo sa Mega Manila o anim sa bawat 10 kostumer sa franchise area ng Meralco. Sa kabuuang pangangailangan ng suplay ng enerhiya ng bansa, nasa halos 20% ang naiaambag ng Malampaya.
Malaki rin ang kontribusyon ng Malampaya sa koleksyon ng gobyerno dahil umabot sa P290.76 bilyon ang kita nito mula Enero 2002 hanggang Hunyo 30, 2021.
“Lubhang nakababahala ito. Ang Malampaya ang kaisa-isang pinagkukunan natin ng natural gas sa bansa. Lumabas sa imbestigasyon ng Senado na baon sa utang ang nagmamay-ari ng Udenna bukod pa sa walang technical expertise sa ganitong klase ng negosyo. Nasabi ko na noon pa na kung mapapasakamay ng hindi maayos na kumpanya ang Malampaya, tayong lahat ang magiging dehado dito,” sabi ni Gatchalian matapos maiulat ang plano ni Uy na ibenta ang pag-aari niyang shares sa Malampaya.
