
Ni NOEL ABUEL
Isang ganap nang batas ang panukalang magbibigay ng night shift differential pay para sa mga kawani ng pamahalaan at ang pagdodoble ng parehong benepisyo para sa mga public health care workers.
Ito ang sinabi ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. matapos lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11701 o ang “Act Granting Night Shift Differential Pay to Government Employees, Including Those in Government-Owned or Controlled Corporations and Appropriating Funds Therefor” noong Abril 13, 2022, ngunit ngayong araw lamang inilabas ang kopya sa publiko.
Lubos na pinasalamatan ni Senador Revilla, Jr. si Pangulong Duterte sa pagsasabatas ng kanyang panukalang nagbibigay ng dagdag na benepisyo para sa mga empleyado ng pamahalaan, lalo na sa mga magigiting na front liners sa public health care system.
Sa ilalim ng bagong batas na ito, na pangunahing inakda at ini-sponsor ni Sen. Revilla sa Senado bilang chairman ng Senate Committee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation, na-institutionalize na ang night shift differential para sa trabahong isinagawa sa pagitan ng alas-6:00 ng gabi hanggang alas-6:00 ng umaga ng sumunod na araw.
Makakatanggap ang mga kawani ng pamahalaan ng night shift differential pay na hindi tataas sa dalawampung posriyento (20%) ng hourly basic rate ng empleyado.
Inaamyendahan din ng batas na ito ang Republic Act No. 7305 o ang “Magna Carta of Public Health Workers” na nagtatakda lamang sa 10% ng kanilang regular wage bilang night shift differential pay.
