Pagwawakas ng ‘Revolving-Door Policy’ ng AFP, isa sa legacy ni Ping sa AFP at DND

Senador Panfilo Lacson

Ni NOEL ABUEL

Ipinagmalaki ni Senador Panfilo Lacson na magiging legacy nito ang pagtatakda ng “fixed terms” para sa Chief of Staff at ibang matataas na opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa military at defense establishment.

Ito ang sinabi ni Lacson, chairman ng Senate Committee on National Defense and Security, na nagsulong sa Senate Bill 2376, na kasama ang House Bill 10521 ay naging basehan ng Republic Act 11709 na pinirmahan ni Pangulong Rodrigo Duterte.

“Finally, we will see an end to the revolving-door policy in the AFP. The leaders of our AFP will have the opportunity to implement their legacy programs instead of staying in office too briefly,” ani Lacson, na nagsilbi sa Philippine Constabulary ng 20 taon matapos mag-graduate sa Philippine Military Academy noong 1971.

“The revolving-door policy has always been a disservice to the mandates of the military leadership entrusted with the security and defense of the country,” dagdag ng mambabatas.

Si Lacson ang principal sponsor at co-author ng Senate Bill 2376 na dinepensahan ang panukalang batas hanggang pumasa ito sa Senado.

Ayon kay Lacson, titiyakin nito na magiging “merit-based” ang promosyon sa AFP para siguradong “qualified and effective” ang mga pinuno nito.

Sa ilalim ng RA 11709, ang AFP chief of staff, vice chief of staff, deputy chief of staff, mga pinuno ng major services (Army, Navy at Air Force), unified command commanders at Inspector General ay magkakaroon ng termino ng hanggang tatlong taon, “unless sooner terminated by the President.”

Maaaring pahabain ng Pangulo ang termino ng AFP Chief of Staff sa panahon ng giyera o national emergency na dineklara ng Kongreso.

Ayon din sa batas, ang Philippine Military Academy superintendent ay may termino ng apat na taon “unless sooner terminated by higher authority.”

Itinakda din ng batas ang compulsory retirement ng military personnel sa 56-anyos o kung nakabuo ito ng 30 taong “satisfactory active duty,” para sa mga Second Lieutenant/Ensign (O-1) hanggang Colonel/Captain (O-6).

Para sa mga Brigadier General/Commodore (O-7) hanggang Lieutenant General/Vice Admiral (O-9), ang retirement age ay 59-anyos o ang maximum tenure-in-grade, kung ano ang mauuna.

Maaaring mag-avail ang officers o enlisted personnel ng optional retirement matapos makamit ang hindi bababa sa 20 taong “satisfactory active duty.”

Ayon kay Lacson, patitibayin ng batas ang professionalism at pagtuloy ng mga polisiya at modernization initiatives ng AFP.

Dagdag pa ng mambabatas, matagal na itong hinihiling ng militar upang matugunan ang isyu ng “stability and continuity of military leadership” – dahil ang ilang AFP chief of staff ay hindi nagtagal ng higit pitong buwan.

Noong 15th Congress, naging principal author at sponsor si Lacson ng Senate Bill 2869, na nagtakda ng fixed terms para sa AFP chief of staff at major service commanders subalit na-veto ito ni Pangulong Benigno Aquino III.

Ang RA 11709, na magiging epektibo sa Hulyo 1, 2022, ay isa lamang sa mga legislative legacy ni Lacson sa AFP at Department of National Defense.

Naging author si Lacson ng ngayo’y RA 10349, ang Revised AFP Modernization Program.

Co-author din si Lacson ng Joint Resolution No. 1, na nagpahintulot ng pagtaas sa sweldo ng military and uniformed personnel (MUPs) sa pamahalaan, kasama ang indexation ng kanilang retirement benefits.

Isinulong din ni Lacson ang pagtaas sa badyet ng AFP mula 2017 hanggang 2021 bilang Vice Chairman ng Senate Committee on Finance at sponsor ng badyet ng DND/AFP – umabot ito sa P39.33 bilyon sa pamamagitan ng institutional amendments.

Nag-iwan din ng legacy si Lacson sa defense establishment sa pakikitungo sa mga rebelde, sa kanyang pag-sponsor ng mga resolusyong sumasang-ayon sa Presidential Proclamation Nos. 1090, 1091, at 1092 para bigyan ng amnestiya ang higit 7,600 aplikante mula sa Moro Islamic Liberation Front (MILF), Moro National Liberation Front (MNLF), Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas, Revolutionary Proletarian Army, Alex Boncayao Brigade (RPMP-RPA-ABB); at Executive Order No. 125, na nagtatag ng National Amnesty Commission.

Leave a comment