
NI NOEL ABUEL
Pinuri ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano ang inilabas na executive order (EO) ni Pangulong Rodrigo Duterte na nag-aatas sa lahat ng ahensya ng pamahalaan na gumamit ng digital payments para sa disbursements at koleksyon na malaking tulong at benepisyo sa mga Filipino.
“Good news talaga para sa ‘tin ‘tong EO on digital payments ni President Duterte. This is what we’ve been advocating for quite some time now, and definitely magiging mas inclusive at efficient ang government transactions dahil dito,” pahayag ni Cayetano.
Apela pa nito sa mga ahensya ng pamahalaan na i-digitize ang kanilang disbursements upang maging madali sa taumbayan na matanggap ang tulong ng pamahalaan sa gitna na rin ng matagal nang epekto ng COVID-19 pandemic sa bansa at sa ekonomiya.
“EO 170 is a step towards the right direction para sa ‘kin. This truly brings government into the 21st century,” aniya pa.
Magugunitang nilagdaan ni Duterte ang EO 170 na nag-aatas sa lahat ng government departments, agencies, at iba pang state-run organizations na gumamit ng digital payments.
Ayon kay Cayetano, ang paggawa ng disbursements na magagamit sa pamamagitan ng digital payments ay magpapataas sa kahusayan ng mga programa ng pamahalaan at magbibigay-daan sa mga Pilipinong nangangailangan ng financial assistance nang hindi na kailangan pang pumila ng mahabang oras o makipagtransaksyon sa mga fixers o middlemen.
“Exciting itong development na ito dahil there are so many possibilities. Once the government gets digital payments going, pwede na nating i-link ‘yan sa National ID, tapos kung may apps tayo na ide-develop para all-digital na ‘yung paglalakad ng assistance, e di better,” paliwanag pa ni Cayetano, na pumasok sa magic 12 sa senatorial slot.
Ang nasabing EO ay sakop ang lahat ng disbursements sa pagbabayad ng produkto, serbisyo, pamamahagi ng financial assistance, gayundin ang pagbabayad ng suweldo, allowances, at iba pang kabayaran sa mga empleyado.
“Dapat may app na rin ‘yan, may DSWD app, may DOH app, merong Transport Help app, na kapag kumpleto naman ang requirements mo, i-send mo lang and then through GCash or through a QR code sa phone mo e matatanggap mo na,” sabi pa nito.
“Nandyan ‘yung pera, pero medyo tedious, medyo mahirap ‘yung proseso. That’s one thing I really want to work on, paano padadaliin ito,” dagdag nito.
Si Cayetano na kilalang pinupuna ang naaantalang tulong ng pamahalaan dahil sa red tape, fixers sa mga ahensya ng pamahalaan at sa maging sa local politicians na nagsisilbing mediators sa pagitan ng pambansang tulong pinansyal at ng kanilang mga nasasakupan.
“Kung wala ka ngang padrino or walang pulitiko na mag-aayos, hindi mo makukuha eh,” giit pa ni Cayetano.
Sinabi pa ni Cayetano na isa sa isang paraan na nakikita nito para maputol ang red tape at kurapsyon ay paggamit ng teknolohiya sa pamamagitan ng pagbuo ng mobile apps na magagamit ng mga tao sa pagproseso ng mga transaksyon sa pamahalaan at posibleng makatulong sa pagtanggap ng financial aid sa pamamagitan ng serbisyo ng fintech services tulad ng GCash o PayMaya.
