12 nanalong senador proklamado na

Ang 12 winning senators

Ni NERIO AGUAS

Pormal nang iprinoklama ng Commission on Elections (Comelec) ang 12 nanalong senador sa katatapos lamang na May 2022 elections kabilang ang limang senador na nagbabalik sa Senado at tatlong bagong senador.

Isinagawa ang proklamasyon ng National Board of Canvassers (NBOC) sa Philippine International Convention Center kung saan ang mga nagwaging mga senador ay manunungkulan tanghali ng Hunyo 30, 2022.

Si Actor Robin Padilla, na tumakbo sa ilalim ng PDP-Laban ang nanguna sa nakuhang 26,612,434 boto na sinundan naman ng nagbabalik Senado na si Antique Rep. Loren Legarda na nakakuha ng 24,264,969  boto.

Pumangatlo naman ang media broadcaster na si Raffy Tulfo sa nakuhang 23,396,954 boto at pang-apat ang reelectionist na si Senador Sherwin Gatchalian sa botong 20,602,655.

Sumunod naman si Sorsogon Governor Francis “Chiz” Escudero na nagbabalik Senado rin na nakakuha ng 20,271,458 boto at sinundan ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Mark Villar sa nakuhang 19,475,592 boto.

Samantala, balik-Senado rin si dating House Speaker at Taguig Rep. Alan Cayetano sa nakuhang 19,295,314 boto habang pang-walo naman si Senate Majority Leader Miguel Zubiri (18,734,336 votes); pang-siyam si Senador Joel Villanueva (18,486,034 votes), at si dating Senador JV Ejercito na may  15,841,858 boto.

Nakuha naman ni opposition at reelectionist Senador Risa Hontiveros ang 11 posisyon sa nakuhang 15,420,807 boto at pang-12 si dating Senador Jinggoy Estrada na nakakuha ng 15,108,625 boto.

Leave a comment