Libu-libong pekeng TUPAD program beneficiaries sa Pampanga natuklasan ng COA

NI MJ SULLIVAN

Natuklasan ng Commission on Audit (COA) ang libu-libong pekeng pangalan na nakatala sa programang “Tulong Panghanapbuhay sa Ating Displaced/Disadvantaged Workers” (Tupad Program) cash assistance

 ng provincial government ng Pampanga.

 Ayon sa state auditors, ito ay base sa 2021 audit sa nasabing lalawigan na inilabas noong Mayo 16.

Sa ilalim ng Tupad Program ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga indibiduwal na nawalan ng trabaho o negosyo ay maaaring mapagkalooban ng P4,200 bilang tulong sa epekto ng pandemya.

Ngunit base sa report, mahigit sa 23 porsiyento o isa sa bawat apat ng 21,710 listed beneficiaries sa Pampanga Masterlist na isinumite, natuklasang kaduda-duda ang mga pangalan kung saan 2,600 sa mga ito ay may magkakaparehong identification cards o ID numbers.

“Review of the said Masterlist showed that of the 21,710 beneficiaries, 5,012 have either the same names and birthdates, contact numbers, type of ID, or ID numbers,” ayon sa state auditors.

Pinakamaraming kuwestiyunableng pangalan ay natukoy sa munisipalidad ng Lubao na nasa 1,365 na sinundan naman ng Arayat na may 1,290; 906 sa bayan ng Magalang;  903 sa Mexico at sa Sasmuan ay 490.

Ayon pa sa COA, karamihan sa natuklasan nito na ang isinumiteng mga IDs at ID nos. ay pawang clone.

Inihalimbawa pa ng COA, ang nangyari sa Lubao at Arayat, kung saan natuklasan na 1,289 pangalan ay may magkakapareho ang ID at ID numbers gayundin 60 additional beneficiaries ay mula sa Lubao na nagsumite rin ng kahalintulan na IDs.

Daan-daan ding Tupad recipients mula Mexico (903), Magalang (895), at Sasmuan (490) ang may magkakaparehong contact numbers.

Ang iba pang anomalya na natuklasan ng COA ay nadoble ang payout sa limang magkakatulad na pangalan sa Magalang, 7 sa Lubao, 2 Candaba, 5 sa Mabalacat, 9 sa Guagua, 8 sa lungsod ng San Fernando, at 3 sa Sta. Rita.

“It would be difficult to confirm actual receipt by beneficiary of the financial assistance since most of the numbers called belong only to one beneficiary. Moreover, the registered 850 contact numbers were not reliable since these can neither be reached nor with the correct number,” ayon sa audit team.

Tinukoy pa ng COA ang bayan ng Magalang kung saan isang tao lamang ang nakakuha ng pay out para sa 35 Tupad beneficiaries na ipinagbabawal ng DOLE sa pagsasabing ang substitute ay kailangang miyembro ng pamilya ng recipient.

Sa random check, mayroong 16 manggagawa na nagsumite ng pangalan para maging Tupad benefits subalit hindi nakakuha ng anumang suweldo.

Sa panig ng Public Employment Services Office (PESO) ng Pampanga, sinabi nitong ang ID-cloning ay dahil sa kahirapan na makakuha ng benepisyaryo dahil na rin sa limitadong panahon na pinapayagan sa gitna ng pandemya.

Idinagdag pa nito na ang profiling, encoding, at printing ay hindi nagawa sa  provincial level at ibinigay na lamang sa municipal governments sa pamamagitan ng kanilang  municipal PESO officers.

“Due to the urgency of service delivery, the Provincial PESO also over-looked the checking of the submitted list as they are time-bound to forward the list of the municipalities to the DOLE Provincial Field Office for group insurance enrollment,” ayon pa sa report.

Idinagdag pa nito na ang pagdoble ng pangalan ay maaaring ipaliwanag sa pamamagitan ng pagpapatupad ng Tupad noong 2020 at 2021 dahil ang magkatulad na recipients ay pinapayagan na makatanggap ng financial assistance basta’t hindi ito sa loob ng isang taon.

Leave a comment